95-anyos na lola, natagpuan ang nawawalang estatwa na iwinangis sa kanyang hitsura!

ISANG 95-anyos na retired seamstress ang natagpuan muli ang sculpture niya na 40 taon nang nawawala!

Si Maria Pulsone ang pinili ng kanyang employer na Kozinn & Sons Tailors na maging model ng ipagaga­wang estatwa na magiging simbolo ng kanilang business.

Pumayag si Maria kahit kumplikado ang proseso ng paggaya sa kanyang hitsura dahil babalutin ang buong katawan niya ng plaster para makagawa ng molde. Sa sobrang hirap ng proseso, kinailangang lagyan ng straw ang magkabilang butas ng kanyang ilong para siya makahinga. Naging sulit naman ang lahat ng ito nang matapos ang sculpture at idinisplay ito sa lobby ng tailor shop sa Manhattan, New York. Ilang taon din itong nakadisplay ngunit bigla na lang hindi ito nawala nang lumipat ng lugar ang tailor shop.

Ang akala ni Maria, nasira at itinapon na ito ngunit nagulat siya nang matagpuan ito sa online ng kanyang apo na si Jennifer. Naging madali ang paghahanap ni Jennifer nang sinearch niya sa Google ang mga keywords na “woman sewing statue”. Nakita ni Jennifer ang istatwa ng kanyang lola na binebenta sa isang antique warehouse sa Scranton, Pennsylvania. Ibinebenta ito sa halagang $600 at hindi na nagdalawang isip pa ang apo at binili na agad ito.

Masayang-masaya si Maria nang makita muli ang kanyang estatwa pero dahil wala silang pagla­lagyan sa kanilang bahay, idinonate nila ito sa Italian American Museum para makita ng mga kapwa nila Italian-Americans.

Show comments