‘Mama’ (Huling bahagi)

NAG-DH sa Hong Kong si Mama para ma­tustusan ang pag-aaral ko sa kolehiyo. Kumuha ako ng masscom. Pero lingid kay mama, nagbubulakbol ako. Bumarkada sa mga katulad kong matigas ang ulo. Ang ipinadadala ni Mama mula sa pagpapaalipin sa HK ay winawaldas ko. Sa halip ibayad sa school ang pera, ginagastos ko sa bisyo.

Makalipas ang apat na taon, akala ni Mama ay ga-graduate na ako. Umuwi siya para dumalo. Pero napaiyak siya nang malamang hindi ako ga-graduate.

Pero sa halip na pa­galitan ako, pinakiusapan akong mag-aral muli. Ayusin ang pag-aaral ko.    ­Tumango lamang ako.

Hanggang sa Middle East naman nagtrabaho si Mama bilang DH. Padala rin nang padala ng pera. Wala akong pagbabago. Hindi ko inaayos ang buhay.

Hanggang dumating ang trahedya. Namatay si Mama. Nahulog sa bintana dahil sa pagtakas sa amo na gagahasa sa kanya.

Nasa kahon na ang bangkay ni Mama nang duma­ting mula Middle East. Sinundo namin sa NAIA. Iyak ako nang iyak. Pero wala nang silbi ang iyak. Sinisisi ko ang sarili kung bakit naging masamang anak ako. Patawad Mama!

Show comments