Dear Attorney,
Puwede po bang kuwestiyunin ang pagsasara ng pinapasukan ko? Binigyan na po kasi kami ng notice na effective July 1 ay wala na kaming trabaho dahil sa pagsasara ng kompanya. Puwede bang ipa-check sa mga kinauukulan kung puwede ba talagang magsara ang kompanya namin? —Mel
Dear Mel,
Walang batas na makakapigil sa pagsasara ng negosyo kung wala nang nais ang mga may-ari nito na ipagpatuloy ito.
Ibig sabihin, walang makakapilit sa kompanya na magpatuloy ng operasyon kahit pa walang kahit anong dahilan ang pagsasara nito.
Kailangan lang ng employer na sumunod sa tatlong requirements para maging alinsunod sa batas ang proseso ng pagtatanggal ng empleyado dahil sa pagsasara ng negosyo: (1) written notice sa mga apektadong empleyado at sa DOLE na ibinigay ng hindi hihigit sa isang buwan bago ang nakatakdang pagsasara ng kompanya; (2) totoo ang pagsasara ng negosyo at hindi lamang ito ginawa upang makapagtanggal ng mga empleyado o upang makaiwas sa mga pananagutan ng kompanya o ng mga may-ari nito at (3) ang pagbabayad ng separation pay kung ang pagsasara ay hindi dahil sa labis na pagkalugi.
Ngunit kailangang malinaw na ang mga nabanggit na requirements ay para maprotektahan lamang ang karapatan ng mga manggagawa at matanggap nila ang kanilang mga dapat matanggap sa ilalim ng batas.
Kaya kung may makakapag-check man ukol sa pagsasara ng isang negosyo ito ay para malaman lamang kung kailangang magbayad ng separation pay at ng iba pang mga obligasyon sa mga empleyado. Hindi ito para pilitin ang may-ari na ipagpatuloy ang isang negosyo kung ayaw na niya.