ISANG contortionist at hula hoop performer ang nakapagtala ng world record matapos ang kanilang “human belt” hula hoop performance!
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na sina Liberty Barros at Mariam Olayiwola ang bagong record holder ng titulong “Most Double Arm Hula Hoop Rotations with a Human Belt in 30 seconds (team of two)”.
Ito ay matapos ibalot ng contortionist na si Liberty ang kanyang katawan sa baywang ni Mariam na parang belt habang nagpapaikot ng hula hoop si Mariam sa kanyang magkabilang braso nang 79 na beses.
Bukod sa naturang world record, nagsagawa rin ng isa pang world record attempt si Liberty upang masungkit naman ang titulong “Most Splits in One Minute”. Matagumpay na napasakamay niya ang titulong ito matapos makapag-split ng 42 beses sa loob ng isang minuto.