Dear Attorney,
May empleyado po sa kompanya ko na noong bago siya ma-hire ay pinaliwanagan namin na below minimum wage ang kanyang magiging sahod. Tumagal po siya ng halos isang taon bago nag-resign. Ngayon po ay sinampahan niya ng reklamo ang kompanya na kesyo below minimum wage ang ipinasahod namin sa kanya. Puwede bang ireklamo ang kompanya kahit sinabihan naman ang empleyado na below minimum ang ipasuweldo sa kanya? —Jan
Dear Jan,
Kung hindi naman kabilang ang kompanya niyo sa mga establisimentong exempted sa pagpapasahod ng minimum wage (katulad ng barangay micro business establishment o yung mga negosyong hindi hihigit sa 10 ang empleyado) ay walang dahilan para hindi kayo magpasahod nang naaayon sa itinakdang minimum wage para sa inyong lugar. Kahit nga exempted ang inyong kompanya, kailangan n’yo pa ring kumuha ng formal na exemption mula sa mga kinauukulan para kayo ay makapagpasahod ng mas mababa sa minimum wage.
Hindi n’yo rin puwedeng idahilan na sinabi n’yo naman sa empleyado na hindi kayo magpapasahod ng minimum wage, kahit pa hindi naman sila nagreklamo noong ipinaalam n’yo ito sa kanya. Para n’yo na ring sinabi na maaring lumabag sa batas ang employer basta ipagpapaalam ito sa empleyado.
Nakalagay sa Article 1306 na malayang maglagay ng kung anumang stipulation o kondisyon ang mga partido sa isang kontrata basta hindi ito taliwas sa batas, sa moralidad, sa mga magandang nakaugalian, at sa pampublikong kaayusan at patakaran.
Ibig sabihin, walang epekto ang pagpapaalam ng kompanya mo sa empleyado ukol sa pagpapasahod sa kanya ng mas mababa sa minimum wage dahil hindi naman maaring isailalim ang bagay na iyan sa isang kasunduan na hindi alinsunod sa batas. Maari talagang maharap ang inyong kompanya sa reklamo ukol sa hindi pagbabayad ng minimum wage.