‘Ipuipo’

NANGYARI ang hindi malilimutang karanasan na ito noong ako ay first year high school sa probinsiya. Ang aming school (public) ay malapit sa dagat kaya karaniwan na lamang ang malakas na hangin lalo na sa tanghali. Hindi na namin pinapansin ang hangin lalo na kung panahon ng pagdalaw ng bagyo na karaniwang dumarating kung Hulyo hanggang Disyembre.

Kapag malakas ang ha­ngin, lahat ng mga papel, plastic at iba pang basura ay nagkalat sa parade ground ng aming school. Malawak ang ­aming parade ground na pinanati­ling mga damong kalabaw ang nakatanim. Hindi sinemento ang parade ground dahil magiging mainit daw. Ang problema, kapag tag-ulan ay maputik ang ground at kapag tag-araw naman ay maalikabok.

Noon ay Marso at malapit na ang pagtatapos ng school year. Mara­ming aktibidad sa school. Kami ay busy sa pro­jects na isa-submit. Palibhasa ay tag-init na, tuyung-tuyo na ang parade ground. Dito kami nakasalampak ng upo habang ginagawa ang mga project.

Dakong ala-una ng hapon, busy kaming nakasalampak sa damuhan at ginagawa ang pro­ject sa isang subject. Nang biglang lumakas ang hangin. Hindi namin pinansin. Akala namin, karaniwang hangin lang. Nanatili kaming nakasalampak.

Pero napansin namin na nag-alimpuyo ang hangin. Umiikot hanggang sa maging ipuipo. Sa una ay maliit lang pero lumaki nang lumaki at sa direksiyon namin patungo. Hanggang sa masapol kaming mga nakasalampak sa damuhan.

Ako ang grabeng dinaanan ng “mata” ng ipuipo. Dahil maliit ako, nabuhat ako at naiangat nang may limang talampakan. Muntik na akong mahubaran ng palda at panty dahil sa alimpuyo ng ipuipo. Napuwing ako at lahat ng alikabok ay nakain ko.

Ibinagsak ako sa gitna ng parade ground. Nasaktan ang aking puwit sa pagbagsak. Dinaluhan ako ng aking mga kaklase at pati guro. Mabuti at wala akong sugat na natamo sa ipuipo. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon. Kapag nakakakita ako ng ipuipo sa TV ay naalala ko ang nangyari sa akin. Nagkaroon ako ng phobia.

Show comments