DELIKADONG bansa pa rin ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. Sa pagsusuri, nasa ika-134 ang Pilipinas sa inilabas na press freedom index ng media watchdog Reporters Without Borders. Ang inilabas na ranking ay kasabay sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day noong Sabado. Layunin ng press freedom index na ikumpara ang level of freedom na natatamasa ng journalists at media workers sa 180 bansa sa buong mundo.
Noong nakaraang taon, nasa ika-132 puwesto ang Pilipinas. Ginawa ang ranking sa pamamagitan ng mga indicator na kinabibilangan ng impluwensiya ng pulitika, ekonomiya, at seguridad para sa mga mamamahayag. Nakakuha ang Pilipinas ng 43.36 na global score sa nasabing index ngayong taon. Ito ang pinagbatayan para masabing “delikado o mabigat” na bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag.
Sinabi rin sa report na mas kakaunti ang pag-atake sa mga miyembro ng media mula nang maupo si President Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 kumpara sa administrasyon ni dating President Rodrigo Duterte. Ganunman, ikinababahala pa rin sa administrasyong Marcos ang “red-tagging” kung saan may mga miyembro ng media ang inaakusahang kasapi ng komunistang grupo. Ilang mamamahayag ang nagsampa ng demanda sa ilang personalidad dahil sa akusasyong miyembro ng mga makakaliwang grupo. Sa administrasyong Marcos, apat na mamamahayag na ang pinapatay at hindi pa nalulutas hanggang sa kasalukuyan.
Unang pinaslang ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental noong Set. 18, 2022. Pinagsasaksak siya habang patungo sa radio station. Ang ikalawa ay ang veteran broadcaster na si Percy Lapid na binaril at napatay noong Okt. 3, 2022 sa BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas. Ang ikatlo ay ang broadcaster/commentator na si Cresenciano Bunduquin ng Brgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro na pinagbabaril sa harap ng kanyang sari-sari store noong Mayo 31, 2023. Ikaapat si Juan Jumalon, isang broadcaster sa Calamba, Misamis Occidental na binaril noong Nob. 5, 2023 habang nagla-live broadcast.
Sinabi ng Malacañang noong Hulyo 2022 na maglalatag ng mga bagong programa ang pamahalaan para maproteksiyunan ang mga mamamahayag. Hindi pa nararamdaman ng mga mamamahayag ang pangakong ito. Tuparin sana ng kasalukuyang administrasyon para mabago ang impresyon na “delikado at mabigat” sa mga mamamahayag ang bansang ito.