Kuwentong kutsero:
Ipinahayag ng Emperor sa buong kaharian na pipili siya ng 12 hayop na kakatawan sa bubuuin niyang Chinese horoscope. Nabalitaan iyon ng mag-bestfriend na daga at pusa.
“Beshie Daga, kapag nauna kang gumising bukas, pakigisingin mo rin ako para maaga tayong dumating sa pa-meeting ng Emperor.”
“Sige Besh, at kung ikaw naman ang mauunang gumising, gisingin mo rin ako, ha?”
Kinabukasan madilim pa ang langit ay nagising na si Daga. Hindi siya tumupad sa kasunduan na kung mauuna siyang magising ay gigisingin niya si Pusa. Nagbihis siya at agad umalis.
Tinanghali ng gising si Pusa. Nagmamadali siyang nagpunta sa palasyo pero natapos na ang pagpili ng emperor nang dumating siya. Sa sobrang galit ni Pusa, hinabol niya si Daga at kinain ito. Simula noon, naging magkaaway na silang mortal. Si Daga lagi ang tumatakbo palayo kay Pusa dahil nagi-guilty siya sa kanyang ginawa.
Ang totoong kuwento:
Ang pusa ay hindi pa nakikilala sa China dahil noong panahong iyon ay maiilap pa silang mga hayop at nakatira lamang sa pusod ng kagubatan. Ang Egyptians lamang ang naglakas-loob na paamuin ang mga ito para maalagaan sa bahay. Sila ang nagpakilala at nagdala ng pusa sa China, 1,000 years pagkatapos nabuo ang Chinese zodiac. Kaya sa Egyptian at Babylonian zodiac lang may pusa. Ang Vietnamese zodiac ay kahawig ng Chinese pero tinanggal nila ang kuneho at pinalitan ng pusa.