Binata pa raw ang aking lolo, sa mother side, ay mahilig na itong uminom. Lambanog ang madalas niyang iniinom. Pero ibang klase siyang manginginom—solo flight. Nakikipag-inuman lang siya sa malaking grupo kapag may espesyal na okasyon.
Pagkagaling mula sa bukid, bago maghapunan, babawas ito ng isang basong lambanog mula sa Damajuana. Ang Damajuana ay isang malaking wine bottle na ang karaniwang laman ay tatlo hanggang limang gallon na lambanog.
Ang bibig ng Damajuana ay kasingkipot ng softdrink bottle na 3 to 5 inches ang haba. Ang gitnang bahagi ay pabilog na korteng pakwan. Lagi itong puno ng lambanog na binabaran ng Texas bubble gum at pasas. Kahit ako ay nasasarapan sa amoy minsang naabutan ko si Lolo na bumabawas ng lambanog mula sa Damajuana.
Nasanay na ang katawan niya na “masalinan” ng lambanog para manumbalik ang lakas na naubos sa maghapong pagtatrabaho sa bukid. Wala namang reklamo si Lola tungkol dito dahil wala namang perwisyong ginagawa ang pag-inom ni Lolo. Sa kabila ng pagiging manginginom ni Lolo, siya ay hindi nagmumura, hindi namamalo at nagtataas ng boses sa mga anak. Ang favorite expression niya sa mga anak kapag sumosobra na ang kakulitan: Makuha kayo sa tingin!!!
Nagkaroon ng alta presyon si Lola mula nang mag-asawang muli ang kanyang ama na kapisan nila sa bahay. Nagkaroon ng matinding away ang aking lola at kanyang ama dahil sa madrastang ito. Humina ang katawan ni Lola dahil lagi itong nai-stress, hanggang sa isang araw, bumigay na si Lola at namatay. Ang sobrang ikinasama ng loob ni Lola ay ang pagkampi ng kanyang ama sa madrasta.
Upang hindi masisi sa kamatayan ni Lola, ipinagkalat ng madrasta sa aming mga kamag-anak na ang pagiging manginginom ni Lolo ang nagpa-stress kay Lola. Si Lolo ay tahimik at hindi masalita. Kaya ang dobleng dagok na tumama sa kanya—pagkawala ng asawa at bintang na siya ang dahilan ng kamatayan—ay dinaan na lang sa madalas na pag-inom ng lambanog. Pero hindi pa rin nagbabago ang attitude ng aking lolo kapag nalalasing—kumakanta tapos matutulog. Maganda ang boses niya. Sayang at kailangan pang malasing para makakanta.
Pagkamatay ng ama ng aking lola, nanatili pa rin nakatira sa kanilang bahay ang madrasta. Siguro ay hindi na matiis ni Lolo ang presence nito, kaya isang panahong lasing na lasing ito, nilapitan niya ang madrasta sabay sabi sa malakas at madiin na boses: Wala nang dahilan para manatili ka pa dito sa aming bahay. Umalis ka na sa lalong madaling panahon.
Lihim na nagdiwang ang magkakapatid ng aking ina. Noon lang nila nalaman na may isa pang kayang gawin si Lolo kapag nalalasing bukod sa pagkanta—magtaray at magpalayas sa buwisit na biyenang madrasta.