Nagdiwang noong Mayo 4 ang pinakaunang surviving nonuplets sa buong mundo ng kanilang ikatlong kaarawan sa Timbuktu, Mali sa West Africa.
Noong 2020, nalaman ni Halima Cisse na ang pagbubuntis niya ay isang kaso ng multiple pregnancy. Ayon sa kanyang doktor, maaaring pitong sanggol ang nasa kanyang sinapupunan. Nang mabalitaan ito ng kanilang presidente na si Bah Ndaw, nagbigay ito ng tulong at ipinadala niya si Halima at ang asawa nito sa Morocco para doon manganak at maalagaan ng espesyalista.
Pagsapit ng Mayo 4, 2021, napaaga ang panganganak ni Halima at ang inaasahang pitong sanggol ay nadagdagan pa ng dalawa. Ang mga sanggol ay may bigat na 500 grams hanggang 1 kilo. Lima sa mga ito ay babae at ang apat naman ay mga lalaki. Dahil 30 weeks premature ang mga ito, maraming nag-akala na ilan sa mga ito ay hindi magsu-survive.
Matapos ang 19 months, naging malusog ang siyam na baby. Pinangalanan silang: Fatouma, Kadidia, Hawa, Adama, Oumou, Bah, Mohammed, Oumar at Elhadji. Nang binigyan na ng clearance ang mga baby, inuwi na sila sa kanilang bansa sa Mali. Doon, sinalubong ang nonuplets ng kanilang mga kababayan na itinuturing sila bilang mga “miracle”.
Sobrang rare ng mga nonuplets. Bago ipinanganak ang mga Cisse children, wala pang naitalang kaso ng nonuplets na kumpletong nabuhay matapos ang ilang oras ng pagkakapanganak.
Dahil dito, hinirang sila ng Guinness World Records bilang “Most Children Delivered at a single Birth to Survive”.