Dear Attorney,
Puwede ko bang sisantehin ang mga empleyadong maaga ng ilang minuto sa alas singko kung umuwi? —RJ
Dear RJ,
Kung ang insidente ay isang beses lang, maaring labis na parusa ang pagsisisante, ayon sa Korte Suprema sa BookMedia Press Inc. and Brizuela v. Sinajon and Abenir (G.R. No. 213009 July 17, 2019). Nakalaan kasi ang pinakamatinding parusa ng pagsisisante para sa mga insidente kung saan nagpakita ang empleyado ng seryosong pagsuway sa mga utos at patakaran ng kanyang employer at malalang kapabayaan sa kanyang mga tungkulin.
Katulad ng parusang kamatayan para sa mga kasong kriminal, hindi rin dapat basta-basta ipinapataw ang pagsisisante sa mga mabababaw na paglabag sa mga patakaran sa trabaho lalo na kung hindi naman ito sinasadya at minsan lamang, dagdag pa ng Korte Suprema.
Kung hindi naman regular na gawain ng mga empleyado mo ang ginawa nilang pag-uwi ng maaga, sapat na ang mga parusang mas magaan sa pagkakasisante. Bigyan na lang din sila ng kaakibat na babala na ang susunod nilang katulad na pagsuway ay maaring magdulot ng tuluyan nilang pagkakatanggal sa trabaho.
Kaya kung hindi lamang isang beses ang ginawa nilang pag-uwi ng maaga ng walang paalam at ginawa nila ng walang sapat na dahilan, maari na itong ipagpalagay na serious misconduct o gross negligence na sapat na dahilan upang sila ay patawan ng termination sa trabaho.