Mahusay akong umakyat sa punong niyog. Hindi ko alam kung bakit naging mahusay akong umakyat. Basta nalaman ko na lamang na mahusay ako at sanay na sanay nang umakyat at pumitas ng buko. Sabi ni Tatay, namana ko raw ang husay sa pag-akyat sa aking lolo.
Hanggang sa mangyari ang hindi ko malilimutang karanasan na may kaugnayan din sa husay kong umakyat sa niyog.
Nang tanghaling iyon na napakainit ng panahon, umakyat ako ng niyog para pitasin ang mga buko.
Pero dahil maraming tuyong niyog, kailangan ko munang alisin ang mga iyon para mabilis kong makuha ang mga buko.
Isa-isa kong pinitas ang mga tuyong niyog at inihulog. Nang pipitasin ko ang huling niyog, nagulat ako—bahay ng putakti ang nahawakan ko! Kakulay kasi ng niyog na tuyo.
Paghawak ko sa bahay ng putaki, naglabasan na ang matatapang na sundalong putakti at pinutakti ako ng kagat sa mukha, leeg at braso.
Nagmamadali akong bumaba at muntik mahulog. Tumakbo ako pero hinabol pa rin. Dumayb na ako sa lubluban ng kalabaw para makaiwas.
Mula noon hindi na ako umakyat sa niyog.