Ang ‘wise’ na huwes

LUHAANG isinalaysay ng ina sa harap ng korte ang pag­papabayang ginawa ng kanyang asawa sa kanilang mga anak. Anim na buwan ang nakaraan matapos ipanganak ni misis ang kanilang bunso ay umalis sa kanilang tahanan si Mister upang sa kanyang kabit manirahan at ito na nga ang tuluyang pinaki­samahan.

Nagsampa ng demanda si Misis at humihingi ng sustento sa walang pusong ama. Habang pinakikinggan ng huwes ang panig ni Misis ay napansin nitong hirap na hirap si Misis sa pagkarga sa malikot na sanggol. Hindi nakatiis ang huwes at sinabihan nito ang mister:

“Puwede ba mister na kargahin mo muna ang iyong anak nang si Misis ay makapagsalita nang hindi naaabala?”

Iniabot ni Misis ang bata sa magaling na asawa. Habang nag-uusap ang Huwes at si Misis ay patuloy pa rin ang sanggol sa paglalaro sa kandungan ng ama.

Habang karga ang sanggol ay tila masayang-masaya ito sa paghaplos sa mukha ng kanyang ama. Habang patawa-tawa ay pinapalipat-lipat ng kanyang maliliit na kamay ang paghawak sa ilong, bibig, mata, taynga.

Ang tawa at haplos ng sanggol ay tila apoy na nagpalambot sa matigas na puso ng ama. Nakilaro na rin ang ama. Isinubo ng ama ang maliit na daliri ng sanggol. Marahil ay nakiliti kaya isang matinis at maliit na halakhak ang pinakawalan ng sanggol.

Napatingin ang huwes at ang misis sa kinaroroonan ng mag-ama. Biglang natauhan ang ama at nagsalita:

“Your honor, hinihiling ko po na itigil na ang pagdinig sa kasong ito. Uuwi na ako…sa kanila… sa aking pamilya” sabay halik sa walang malay na sanggol.

Napangiti ang huwes. Ang totoo’y strategy niya ang pagpapakarga ng sanggol sa ama. Iyon ang purpose niya—kunsensiyahin ng sanggol ang kanyang ama. Alam ng huwes iyon. Minsan na siyang naligaw ng landas.

Show comments