PILYO ako noong bata pa. Marami akong ginawang kalokohan sa aking mga kaklase. Kahit na pinangaralan na ako ng aking mga magulang at pati ng teacher at principal, hindi pa rin ako tumitigil at lalo pang naging pilyo. Hindi tumatalab sa akin ang pangaral.
Isa sa hindi ko malimutan ay ang pangyayaring nagpabago sa akin at nawala ang aking pagiging pilyo. Siguro kung hindi nangyari yun ay baka patuloy ako sa pagiging pilyo.
Umaga noon. Maaga akong pumasok. Akala ko, ako ang kauna-unahan sa classroom. Hindi pala may nauna pa pala sa akin.
Nakita ko kasi ang bag niya na nakapatong sa silya. Natuwa ako dahil nakabukas ang bag. Isang kalokohan ang naisip ko. Dali-dali akong kumuha ng mga bato sa labas ng classroom. Apat na bato na kasing laki ng kamao ko ang aking kinuha, Isa-isa kong nilagay sa bag. Nang inilagay ko na ang huling bato, biglang may sumakmal sa hinlalaki ko. Ang sakit!
Nang iangat ko, sumama ang sumakmal sa hinlalaki ko—isang alimango na may malaking sipit.
Iyak ako nang iyak. Hindi ko malaman ang gagawin. Hanggang sa dumating ang janitor at inalis ang sipit. Hindi na nalaman kung sino ang may-ari ng bag na may alimango.