Mahigit 300 ballerinas sa New York City ang nakapagtala ng bagong world record matapos silang sabay-sabay na sumayaw habang nakatingkayad.
Kinumpirma ng Guinness World Record na ang ballet organization na Youth America Grand Prix ang pinakabagong record holder ng titulong “Most Ballet Dancers en Pointe Simultaneously”.
Ito ay matapos mapagsama-sama nila ang 353 ballerinas na sumasayaw habang nasa posisyon na tinatawag na “en pointe” sa loob ng isang minuto. Ang “en pointe” ay ballet position kung saan nakatingkayad ang parehas na mga paa ng ballerina.
Ang record breaking event na ito ay ginanap noong April 18 sa The Plaza Hotel sa 5th Avenue sa New York City. Ginawa ito ng Youth America Grand Prix para sa selebrasyon ng kanilang 25th anniversary.
Ayon sa director of external affairs ng naturang organisasyon, sa pamamagitan nito ay gusto nilang ipakita sa buong mundo na ang pagsasayaw ay nakakapagpabuklod sa maraming tao.