HINDI lamang sa tag-ulan nasususpende ang klase kundi maging sa tag-araw man. Maraming eskuwelahan ang nagsususpende ng klase dahil sa napakatinding init na umaabot sa mahigit 40°C o 44°C. Mabuti na lang, sa tulong ng teknolohiya tulad ng internet, computer at smartphone, patuloy pa ring nakakapag-aral ang mga estudyante. Online classes ang ilan sa mga alternatibo kapag merong mga problema sa face-to-face classes tulad ng posibleng peligro sa kalusugan ng mga mag-aaral.
Wala marahil isyu sa mga eskuwelahan na merong gumaganang air conditioner sa kanilang mga silid-aralan at ibang pasilidad o, kung wala, puwede namang magbentilador o magpaypay at dapat merong sapat na bentilasyon at nakahandang maiinom na tubig para maging maginhawa pero, paglabas nila ng eskuwelahan, susugod na naman sa initan ang mga estudyante habang pauwi lalo na ang naglalakad o sumasakay sa tricycle at jeepney na mainit sa loob.
Tila matingkad ngayon itong pagsususpinde ng mga klase sa mga eskuwelahan dahil sa sobrang init ng panahon. Hindi ko alam kung nangyari na rin ito sa nagdaang mga taon o dekada kung nasususpinde rin noon ang mga klase sa eskuwelahan kapag sobrang init ng panahon bagaman napakatagal nang umiiral ang problema sa climate change o global warming.
Parang katulad ng panahon ng tag-ulan, na nadedeklarang walang pasok ang mga estudyante kapag napakalakas ng ulan, merong malalaking pagbaha o bagyo. Isa sa naoobserbahang resulta ng climate change ang tumitinding init ng panahon kapag tag-init o iyong tinatawag natin sa Ingles na Summer at lumalakas na mga bagyo tuwing wet season.
Nagkataon namang, sa panahon ng summer natin ngayon sa Pilipinas, nagpapatuloy ang klase sa mga eskuwelahan dahil sa nabago nitong iskedyul na dulot ng pandemya ng Coronavirus mula noong 2020. Nagbubukas ang klase sa hulihan ng Agosto at nagsasara sa hulihan ng Mayo. Bagaman naibsan na ngayon ang pandemya at bumalik na sa normal ang pamumuhay natin, sinasabing aabutin ng isa o dalawang taon pa bago bumalik sa dating iskedyul ang pagbubukas ng klase tuwing Hunyo o Hulyo at pagsasara nito tuwing Marso o Abril.
Pero kailangan pa nga bang ibalik sa dati ang iskedyul ng mga klase sa eskuwelahan kung halos magiging magkatulad din ang sitwasyon na napakatindi ng klima kapag summer o tag-ulan o kapag may mga bagyo na palakas nang palakas dahil sa climate change?
Matagal nang debate noon na iurong sa Setyembre ang pagbubukas ng mga klase sa maraming kadahilanan tulad nga sa mga pag-ulan o bagyo at pangangailangang sabayan ang iskedyul ng mga eskuwelahan sa ibang mga bansa pero walang naging malinaw na resolusyon dito.
Kapakanan ng mga estudyante ang pangunahing hangarin sa tuwing nasususpinde ang klase sa mga eskuwelahan dahil sa sama ng panahon. Naging karaniwan na ang ganitong mga suspensiyon ng mga klase sa panahon ng tag-ulan pero, sa panahon ng tag-init, tila nakakapanibago ito. Meron din namang mga tinatawag na summer classes pero walang nakalaang datos kung merong nasususpinde sa mga ito dahil sa matinding init ng panahon.
May mga hakbang naman ang mga eskuwelahan para mabawi ang nawawalang mga oras ng mga estudyante sa pagkakasuspinde ng kanilang mga klase. Alternatibo rin o suporta ang mga online classes. May mga makatwirang dahilan ang mga awtoridad kung ibabalik sa dating nakagawian ang iskedyul ng pagbubukas at pagsasara. Lumalabas lang na, hindi na maiiwasang, tag-ulan man o tag-init, nasususpinde ang mga klase!
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com