• May isang pasaherong pari sa barkong Titanic. Dalawang beses siyang tumanggi na sumakay sa lifeboat dahil marami pang Katolikong pasahero na natira sa barko ang nais mangumpisal sa kanya. Ang Sakramento ng Pangungumpisal ay nagbibigay ng pagkakataon sa isang tao na makapagsisi sa nagawang kasalanan. Ang pari naman ay binigyan ng karapatan ng Simbahan na magsagawa ng “absolution” o pagpapawalang-sala sa ilalim ng sakramentong nabanggit, para magkaroon ng kapatawaran ang kaluluwa ng mananampalataya.
• Noong unti-unti nang lumulubog ang barko, mas inunang isakay sa lifeboat ang mga babae at bata. Hindi sapat ang bilang ng lifeboat para isakay ang lahat ng pasahero. Ang mga lalaki ay naiwan sa barko. At ang mga naiwang iyon ang isa-isang nangumpisal sa pari. Pinamunuan din niya ang pagdarasal.
• Ang Katolikong pari ay si Father Thomas Byles. Siya ang taga-Staffordshire England at kasalukuyang rector ng St. Helen Catholic church sa bayan ng Chipping Ongar England noong nangyari ang aksidente sa Titanic.
• Inimbitahan si Father Thomas ng kanyang kapatid na nakatakdang magpakasal sa New York. Pinadalhan niya ng pamasahe si Father Thomas para ito ang magkasal sa kanila sa New York.
• Noong umaga ng April 14, 1912, nagmisa pa siya sa lugar ng second-class passenger. Gabi naganap ang aksidente. Kasama si Father Thomas sa mga namatay at hindi na natagpuan ang kanyang bangkay.
• Sa 328 na bangkay na narekober, ang 119 ay hindi na makilala dahil naaagnas at naghihiwalay na ang bahagi ng katawan kaya inilibing na lang ito sa dagat.