Pamumuno sa pamamagitan ng halimbawa

“TAUMBAYAN bago sarili,” ito ang panawagan ni Presidente BBM sa mga bagong pulis na nagtapos kamakailan sa Philippine National Police Academy. Napapanahong panawagan sapagkat ang mga pulis na ito’y mapapabilang sa hanay ng Philippine National Police na madalas maging sentro ng kontrobersiya dahil sa mga pulis na sangkot sa pagnanakaw at pagbebenta ng ilegal na droga.

Ilan kaya sa mga bagong pulis ang pumasok sa pagpupulis dahil sa kagustuhang maglingkod sa bayan? Ilan naman kaya ang ginustong magpulis dahil sa makasariling layunin na tulad ng pagkakapera at paghahawak ng kapangyarihan? Pero may isang mas mahalagang tanong kaysa mga tanong na ito—ilan kaya sa matataas nating lider ang ginagawa lamang na isang retorika ang pangungusap na “taumbayan bago sarili.” Ibig sabihin, hindi seryoso dahil hindi naman nila ginagawa mismo; sinasabi lang, pero hindi naman tinototoo.

Isa marahil ito sa dahilan kung bakit patuloy ang paglala ng katiwalian dito sa atin. May matataas tayong lider na tiwali, pero sa halip na maparusahan ay napo-promote pa; sa halip na itakwil ng bayan ay paulit-ulit pang nananalo sa eleksyon; sa halip na kamuhian ay nagiging popular pa. Sila tuloy ang pinamamarisan ng iba. Sa mauunlad na bansa na maayos ang sistema, ang masangkot sa katiwalian ay hudyat ng katapusan ng career ng isang pulitiko. Dito naman sa atin, kung kailan nasangkot sa katiwalian ay noon pa lalong gumanda ang career. Only in the Philippines!

Napakahalaga sa epektibong pamumuno ang pagiging mabuting halimbawa. Ang isang lider na ginagawa ang mabuting sinasabi ay tinutularan ng kanyang nasasakupan. Ito ang tinatawag na pamumuno sa pamamagitan ng pagpapakita ng magandang halimbawa. Bilang isang mabuting lider, ipinakita ito ni Hesus sa Kanyang mga alagad. Matapos Niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad bilang halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod, sinabi Niya sa mga ito, “Binigyan Ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.”

Ang mga lider noon sa lipunang Hudyo, ang mga Pariseo at Eskriba, ay katulad din ng ilan sa ating mga lider ngayon, hindi makita sa kanilang buhay ang katunayan ng kanilang sinasabi, retorika rin, pagkukunwari o pagbabalatkayo lamang. Kaya sa Mateo 23:3 ay binalaan ni Hesus ang mga alagad, “Gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral.” 

Hindi lamang tayo kapos sa kabuhayan, kapos din tayo sa mga lider na halimbawa ng mabuting pamumuno at paglilingkod; mga lider na uunahin ang kapakanan ng tao kaysa sarili; mga lider na ipamumuhay ang sinasabing “taumbayan bago sarili.” Kailangan natin ang mga ganitong lider hindi lamang sa gobyerno, kundi maging sa simbahan dahil sa dumaraming lider-simbahan na sangkot sa pagpapayaman at pang-aabuso ng mga miyembro. Kailangan din natin ang mga ganitong lider sa negosyo dahil sa dumaraming negosyante na sarili na ang dinadambana sa altar ng kayamanan.

Higit kaysa pagbabago ng Konstitusyon, ang kailangan natin ay ang pagbabago ng kalidad ng ating mga lider. Kahit taun-taon ay baguhin natin ang ating Konstitusyon, ngunit kung ang maghahari ay mga lider na tiwali at inuuna ang sariling kapakanan kaysa kapakanan ng taumbayan, mananatili tayong lugmok sa ekonomiya at moralidad. Mananatili tayong isang bansang maysakit.

Show comments