EDITORYAL - Nangangamoy‘ pastillas 2’
HINDI dapat isantabi ang sinabi ni Senator Risa Hontiveros na ang pagdagsa ng mga Chinese nationals sa bansa ay bunga na naman ng “pastillas scam”. Naalarma si Hontiveros sa pagdagsa ng umano’y Chinese students sa Cagayan kaya hiniling niyang magkaroon ng inquiry ang Senado. Ayon sa senadora, ipatatawag umano ng Senado ang mga opisyal ng Bureau of Immigration, Department of National Defense at Commission on Higher Education. Si Hontiveros ang nagbulgar ng “pastillas scam” kung saan nakapasok sa bansa ang mga Chinese dahil sa mga corrupt na opisyal sa BI. Sabi ni Hontiveros, baka “pastillas 2” ang dahilan nang pagdagsa ng mga Chinese sa bansa.
Una nang nabahala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nang mabulgar na dumagsa sa Cagayan ang mga Chinese students at naka-enrol sa mga unibersidad sa nasabing probinsiya. Sabi ni AFP chief of Staff General Romeo Brawner Jr., maski sa Zamboanga del Sur ay may mga Chinese nationals din na namamataan. At nagtataka si Brawner sapagkat ang mga Chinese sa komunidad doon ay hindi marunong magsalita ng kahit katiting na Tagalog o kaya’y English.
Nang magsalita si Brawner sa isang pagtitipon sa Zamboanga del Sur, hinikayat niya ang mga local officials na maging mapagmatyag sa mga Chinese na dumadagsa sa bansa. Napagtagumpayan na aniya ng AFP na matalo ang communist rebels at local terror groups gaya ng Abu Sayyaf subalit ngayon ay ang banta naman ng pangangamkam sa West Philippine Sea. Mariing sinabi ni Brawner na dapat maging alerto ang lahat ng mga lokal na opisyal.
Nakababahala talaga ang mga report na pagdagsa ng mga Chinese nationals sa bansa na nataon pa sa mainit na tensiyon sa WPS kaugnay sa pag-angkin sa teritoryo at ang sinasabing “secret deal” ni dating President Rodrigo Duterte at Chinese leader Xi Jinping. Ibinulgar naman ni dating Spokesperson Harry Roque ang “gentleman’s agreement” ni Duterte at Xi sa status ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Sa kasunduan, pumayag umano si Duterte na hindi magdadala ng construction materials ang supply vessel ng Pilipinas para kumpunihin ang nakasadsad na barko. Tinanggi naman ito ni Duterte.
Nararapat, imbestigahan ang pagdagsa nang mahigit 4,000 Chinese students sa Cagayan at iba pang mga lugar sa bansa. Pangunahan ito ng Senado. Hindi ito maliit na bagay kaya nararapat ang masusing imbestigasyon. Baka magising na lamang isang umaga ang mamamayan na sakop na ng China ang Pilipinas. Tama ang payo ng AFP na maging alerto at mapagmatyag ang lahat.
- Latest