EDITORYAL - Mabigat na problema ang illegal na droga
ARAW-ARAW, may nakukumpiskang shabu ang mga awtoridad hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa probinsiya. Pero sa kabila niyan, patuloy pa rin ang pagdagsa at hindi mabatid kung saan nanggagaling. Isang malaking palaisipan kung bakit mahirap matunton ng mga awtoridad ang pinagmulan ng shabu. Hanggang ngayon, walang lider ng drug syndicate ang nadadakma at nagpapakita lamang ito nang kahinaan ng drug enforcement agency at iba pang ahensiya.
Hanggang ngayon, ang nasabat na shabu sa Alitagtag, Batangas noong nakaraang linggo ay hindi pa alam kung saan at kung kanino nanggaling. Mahina na ba ang pang-amoy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)? Unang sinabi ng PDEA na P13.3 bilyon ang halaga ng shabu na nasabat sa checkpoint subalit makalipas ang ilang araw, sinabing P9.68 bilyon lang ang halaga.
Bago ang pagkakasabat ng shabu sa Batangas, nahuli naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babae nang tangkain nitong i-claim ang isang parcel na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P218-milyon. Nakilala ang claimant na si Cristine Tiranes. Galing ang shabu sa Harare, Zimbabwe.
Natimbog naman ng QCPD-District Drug Enforcement Unit ang isang abogado at ang kasama nitong babae dahil sa pagtutulak ng shabu. Kinilala ng pulisya ang mga suspect na sina Camilo Montesa IV at Ma. Victoria Balajadia. Nakuha sa kanila ang 202 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon. Ayon sa pulisya ang dalawa ay nasa drugwatch list ng Directorate for Intelligence. Nahuli ang dalawa sa isinagawang drug buybust operation.
Noong Oktubre 2022, isang pulis ang nahulihan ng 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa lending office nito sa Tondo, Manila. Nakilala ang pulis na si Sgt. Rodolfo Mayo dating miyembro ng Police Drug Enforcement Group (PDEG) ng Manila Police District. Nasibak naman ang buong puwersa ng PDEG dahil sa cover-up ng droga na nasamsam kay Mayo.
Palala nang palala ang problema sa illegal na droga at tila wala nang katapusan ang pagdagsa nito sa bansa. Madaling nakalulusot sa kamay ng mga awtoridad. At kung may masamsam naman, marami rin ang nananakaw ng mga scalawags na alagad ng batas at muling ibabalik sa kalye para pagkaperahan nang malaki.
Paigtingin ng PDEA ang kampanya sa illegal na droga at tuntunin ang pinanggalingan nito. Kung hindi matutunton ang pinagmulan ng droga, magpapatuloy ang pagkalat nito at maraming Pilipino ang magiging sugapa. Huwag hayaang maging drug haven ang Pilipinas.
- Latest