NAG-VIRAL kamakailan ang TikTok video ni Bailey Cormier ng Nashville, Texas matapos niyang ihayag ang kanyang online shopping experience kung saan canned tuna ang kanyang natanggap imbis na mamahaling Dolce & Gabbana ashtray na kanyang inorder.
Sa naturang viral video na umabot na sa 1 million ang views, pinapaliwanag ni Cormier na gumawa lang siya ng TikTok account para ikuwento ang kanyang karanasan sa pag-order niya sa online store ng sikat at mamahaling department store sa U.S., ang Saks Fifth Avenue.
Ayon dito, nagsimula ang lahat nang makatanggap siya ng discount coupon mula sa Saks Fifth Avenue sa kanyang email. Matagal na niyang pinag-iisipan na bumili ng Dolce & Gabbana porcelain ashtray na nagkakahalaga ng $275 (katumbas ng P15,800) kaya nakita niya na ito na ang tamang pagkakataon na bilhin na ito.
Matapos ang ilang araw na paghihintay, dumating na sa kanyang bahay ang inorder na mamahaling ashtray. Pagkabukas niya ng parcel, nakita niya na sealed pa ang kahon ng Dolce & Gabbana kaya wala siyang naging pagdududa dito pero nang buksan na niya ito, nagulat siya na canned tuna ang laman ng kahon.
Agad niyang kinontak ang Saks Fifth Avenue para magreklamo. Mabilis tumugon ang department store at ayon sa kanilang imbestigasyon, isang “fraudulent return item” ang natanggap ni Cormier. Modus ng mga scammer ang umorder ng mamahaling gamit sa mga luxury online stores. Kapag natanggap ng scammer ang kanilang order, kukunin nila ang item, at papalitan ng mabigat na bagay tulad ng delata o bato ang pinaglagyang kahon nito at ibabalik ito sa seller para humingi ng refund.
Sa huling update ni Cormier, napalitan na ng Saks Fifthe Avenue ang kanyang order at natanggap na niya ang ashtray. Bukod dito ay binigyan din siya ng $100 gift card bilang paumanhin sa nagawa nitong abala sa kanya.