‘Ambulansiya’

NANGYARI ang karanasan kong ito noong ako ay 21-anyos at nagtatrabaho sa isang ospital bilang janitor. Muntik na akong mamatay noon. Napatunayan ko na kapag hindi mo pa oras, hindi ka mamamatay. Kahit gaano pa katindi ang maranasang aksidente, mabubuhay ka kung talagang hindi ka pa nakatakda. Nagpapasalamat ako sa Diyos na iniligtas niya ako. Nakatulong din kaya ako nakaligtas sa kamatayan ay dahil may sinunod akong rule kung paano ang gagawin sakali at dumating ang sandaling iyon.

Nangyari ang lahat isang umaga na pauwi ako sa bahay. Panggabi ang duty ko sa ospital. Nag-aabang ako ng traysikel sa tapat ng ospital nang dumaan ang ambulansiya. Kilala ako ng drayber kaya inanyayahan akong sumakay. Ibababa raw ako sa barangay namin. Walang pasyenteng dala ang ambulansiya kundi tatlong staff ng ospital na dadalo ng seminar sa kapitolyo. Sumakay ako.

Mabilis ang takbo ng ambulansiya. Nagmamadali. Narinig kong nag-uusap ang tatlong staff (dalawang lalaki at isang babae) na alas otso ang simula ng seminar. Noon ay pasado alas siyete na. Pinabilis pang lalo ng drayber ang pagpapatakbo. Hahabulin ang alas otsong seminar.

Pakiramdam ko ay hindi na sumasayad ang gulong sa kalsada sa sobrang bilis. Ganunman, pinatatag ko ang sarili at lihim na nagdasal na iligtas kami sa sakuna.

Hanggang sa mangyari ang kinatatakutan ko. Isang kalabaw ang biglang tumawid sa kalsada. Iniwasan ng drayber ang kalabaw pero hindi na nakabawi at sumalpok sa isang pader at saka nag-ilang sirko ang ambulansiya.

Pero bago pa mangyari ang pagbangga sa pader, naka­posisyon na ako in-case na tumaob ang ambulansiya. Dumapa ako sa ilalim ng upuan at inilagay ang dalawang kamay sa aking ulo. Pinuprotektahan ko ang aking ulo para huwag mabagok in-case na sumirko ang sasakyan.

Hanggang sa mangyari iyon. Pagbangga sa pader, umikut-ikot ang ambulansiya at saka sumirko ng apat na beses. Napakabilis ng pangyayari. Nanatili akong nakadapa sa ilalim ng upuan.

Hanggang matapos ang pag-ikot ng ambulansiya. Maya-maya, nakarinig ako ng ingay ng mga bumbero at police car. Hanggang sa inilabas ang mga sakay ng ambulansiya. Patay ang tatlong dadalo sa seminar habang ang driver ay agaw-buhay.

Ako ni galos ay wala. Nagpasalamat ako sa Diyos. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon.

Show comments