EDITORYAL - Kailangan pa bang palugitan ang pagbabawal sa e-bikes?

SA simula pa lang, alam ng mga may-ari ng e-bikes, e-trikes, tricycles, pedicabs, pushcarts, kuliglig at iba pang katulad na sasakyan na bawal sila sa kal­sada. Kaya nakapagtataka kung bakit kailangan pang ipagpaliban ang paghuli sa mga sasakyang ito? Bakit binigyan pa ng palugit, e noon pa, alam na ng mga may-ari ng mga sasakyang ito na talagang bawal silang yumaot.

Ipinagbawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang e-bikes noong Abril 15. Marami agad ang nahuli sa unang araw. Pinagbayad ng P2,500 ang mga drayber ng e-trikes at inimpound ang mga sasakyan. Pero makalipas ang tatlong araw, ipinag-utos ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. sa lokal na pamahalaan na bigyan ng palugit ang paghuli sa e-bikes at iba pang e-vehicles. Ayon sa Presidente, kailangang mabigyan ng information campaign ang mga may-ari ng e-bikes. Kailangang malaman ng mga ito na ipinagbabawal ang mga nabanggit na uri ng transportasyon sa main roads. Gayunman, nilinaw ng Presidente na mananatiling bawal ang pagdaan ng e-bikes sa mga pangunahing lansangan alinsunod sa regulasyon ng MMDA. Makaraan ang kautusan ng Presidente, sinabi ng MMDA na ibabalik nila ang nakolektang multa sa mga drayber ng e-bike.

Sa pagpapaliban sa pagbabawal sa e-bike, mada­ragdagan na naman ang mga aksidente sa kalsada. Sa isang buwan na palugit, tiyak may buhay na namang masasayang. Kamakailan, isang matandang babae sa Marikina ang namatay makaraang mabundol ng e-bike. Tumilapon ang matanda at nabagok ang ulo. Sa latest report, nakapagtala na ng 900 insidente ng e-bike sa Metro Manila. May mga estudyante na hinahayaang­ magmaneho ng e-bike. Karamihan sa mga ito ay walang nalalaman sa batas trapiko. Ma­raming e-bikes at e-trikes na pinanghahakot ng paninda ang biglang tumatawid sa mga pangunahing kalsada gaya ng Roxas Boulevard. Lubhang delikado ang ginagawang ito.

Hindi na sana ini-extend ng Presidente ang pagbabawal sa e-bikes. Kung minsan ang pagbibigay ng palugit ang nagiging daan para umabuso ang mga tao.

Wala itong ipinagkaiba sa palugit na laging bini­bigay sa mga grupo ng jeepney drivers kaya umaabuso sila. Maaaring umabuso rin ang mga may-ari ng e-bikes at hindi na aalis sa kalsada. Magkaroon ng “aserong bakal” sa mga pasaway.

Show comments