MADALAS kaming magbakasyon sa probinsiya ng aking lolo noong ako ay bata pa. Tuwing summer vacation ay halos dalawang buwan kami sa probinsiya, kasama ang dalawa ko pang kapatid. Bukod kasi sa maraming prutas na naaani sa lupa nina Lolo ay mayroon siyang mga alagang kabayo na aming sinasakyan kapag namamasyal sa bukid. Kapag summer, masarap mamasyal sa lilim ng mga niyog habang nakasakay sa kabayo. Tig-isa kaming magkakapatid ng sinasakyang kabayo.
Ang paborito kong sakyan ay si Puti. Sanay na sanay ako sa pagsakay sa kanya. Nakikilala na ako ni Puti dahil malayo pa lamang ay nakatingin na siya sa akin. Natatandaan niya ako kahit isang taon akong hindi nakita. Ang dalawa kong kapatid naman ay paboritong sakyan ang kabayong kulay kastanyas ang balahibo at ang itim. Kung saan-saan kami namamasyal. Madalas din naming painumin sa sapa ang mga kabayo. Malinis pa noon ang tubig sa sapa. Malamig ang tubig. Masarap maligo.
Isang umaga, hindi ko na hinintay pa ang dalawa kong kapatid. Natutulog pa sila. Gusto ko nang mamasyal gamit ang kabayo. Isinuot ko ang aking malapad na sombrero. Nagpaalam ako kay Lolo na mamamasyal sa may sapa. Sabi ni Lolo, mag-ingat ako. Huwag daw akong lalayo.
Tinungo ko ang kinatatalian ni Puti sa likod ng bahay. Pinakain ko muna siya ng kumpay. Pagkatapos ay sumakay na ako at tinungo namin ang sapa. Pinaiinom ko sa sapa si Puti nang may marinig akong huni ng manok.
Bumaba ako kay Puti para tingnan kung saan nagmumula ang huni. Nagulat ako nang makita na isang manok pala ang lingkis ng sawa. Naghanap ako ng sanga ng kahoy at pinalo ang sawa para mabitawan ang manok. Malapit na malapit sa akin ang sawa. Nabitawan nito ang manok pero ang hindi ko inaasahan ay ang paglingkis naman ng sawa sa aking binti. Nagulat ako sapagkat biglang pumulupot ang sawa sa aking binti. Pahigpit nang pahigpit ang lingkis. Kahit pinalo ko nang ilang ulit, ayaw bumitaw. Kung hindi ko maaalis ang pagkakalingkis ay baka pati katawan ko ay lingkisin na rin. Mamamatay ako!
Nagsisigaw ako. “Tulonggggg! Tulongggg!” Pero walang dumarating. Pahigpit nang pahigpit ang lingkis. Pakiramdam ko madudurog ang buto ko sa binti. Hanggang sa natumba ako.
Sumigaw pa ako. Hanggang sa hindi ko inaasahan ang biglang paglapit ni Puti sa aking kinaroroonan. Parang may isip si Puti na nang makita na ako’y nasa panganib ay biglang dinamba ang sawa. Pagkatapos ay ubod diin na niyapakan ang ulo nito. Durog ang ulo.
Unti-unting lumuwag ang pagkakalingkis sa akin. Hindi umaalis si Puti sa pagkakatapak sa ulo ng sawa. Hanggang sa dumating ang aking mga kapatid at si Lolo. Ikinuwento ko ang ginawang pagliligtas sa akin ni Puti.