MULA nang mamatay si Papa, ang pagtatanim ng sampaguita ang naging libangan ni Mama. Nalilimutan niya ang pagkawala ni Papa dahil sa pag-aalaga ng mga sampaguita. Palibhasa ay maluwang ang aming lote, tinaniman ni Mama ang harapan at likuran ng aming bahay. Pawang nakadirekta sa lupa ang mga sampaguita kaya malusog ang mga ito at madaling namulaklak. Walang ibang tanim na halaman si Mama kundi sampaguita.
Dahil napuno ng sampaguita ang aming lote, humalimuyak ang bango pati sa loob ng bahay. Sabi ng mga kuya ko, puwedeng pagkakitaan ni Mama ang mga sampaguita. Mahal ang bawat tuhog ng sampaguita. Pero ayaw ni Mama. Hayaan na lang daw matuyo ang mga bulaklak. Kahit tuyo na ang mga bulaklak ng sampaguita ay mabango pa rin. Matagal mawala ang samyo ng sampaguita.
Nang makatapos ako ng nursing at makapasa sa board ng taon ding yun, ipinasya kong mag-aplay sa Jeddah, Saudi Arabia. Natanggap naman agad ako. Umiyak si Mama nang malaman na natanggap ako. Bakit daw mag-aabroad pa ako? Puwede naman dito sa Pilipinas. Sabi ko, mas malaki ang tsansa kong umasenso kung mag-aabroad. Sabi ko mga dalawang taon lang ako sa Jeddah at sa UK naman ako mag-aaplay. Sabi ko kay Mama, yearly naman ang bakasyon ko kaya huwag na siyang malungkot. Sabi ko, lagi siyang tatawagan.
Nakapagtrabaho ako sa isa sa malaking ospital sa Jeddah. Tinupad ko ang pangako kay Mama na lagi siyang tatawagan. Kapag day-off ko mahaba ang kuwentuhan namin. Lagi niyang ikinukuwento ang mga sampaguita niya. Wala na raw siyang mapaglagyan ng mga bagong sibol na sampaguita dahil puno na ang lote. Sabi ko, huwag na siyang magtanim dahil marami na naman. Pero sabi ni Mama, kailangan daw ay may bagong sibol para may kapalit ang mga matatanda nang sampaguita. Hindi ko na kinontra si Mama. Nauunawaan ko siya dahil ang pag-aalaga ng sampaguita ang lubos na nagpapaligaya sa kanya. Kapag nawala ang mga alaga niyang sampaguita, baka maging malulungkutin siya.
Masayang ikinukuwento ni Mama na nakatuklas daw siya ng pandilig na nagpapabulaklak sa sampaguita. Iniipon daw niya ang hugas bigas at saka binababaran ng mga balat ng prutas. Iyon daw ang pinangdidilig niya. Wala raw stop ang pamumulaklak.
Hanggang sa mangyari ang hindi ko inaasahan. Dumating ako sa aking tirahan isang umaga na amoy sampaguita. Pagbukas ko pa lang sa pinto humahalimuyak na.
Kinabahan ako. Iba ang pakiramdam ko. Makalipas lamang ang isang oras, tinawagan ako ni Kuya na ibinabalitang namatay si Mama. Umiyak ako nang todo. Habang umiiyak, nasasamyo ko ang sampaguita.
Kinabukasan, umuwi ako ng Pilipinas. Malungkot ako dahil wala na si Mama.