‘Sawa’
NAGING katulong ako sa manukan ng aking tiyuhin noong ako ay binata pa. Hindi naman kalakihan ang kanyang manukan. Dalawa kaming katulong sa manukan na isa ko ring pinsan. Ang mga manok ay binebenta ng aking tiyuhin ng per ulo sa palengke. Kaya tuwing Linggo na araw ng tiyangge ay dinadala namin ang manok na nakalagay sa isang pinasadyang lalagyan na gawa sa kawayan. Masisilip sa lalagyan ang mga manok kaya ituturo lamang ng parukyano ang gusto niya. Palibhasa ay mga native na manok, mabilis na nauubos ang mga manok. May pagkakataon na binibili lahat ang tinda naming manok ng may-ari ng restaurant. Kapag ganun ang nangyari, maaga kaming nakakauwi ng bahay.
Dahil sa naging mabili ang buhay na manok, umasenso ang buhay ng aking tiyuhin. Nakapagpagawa siya ng bahay at nagpagawa rin ng mga kulungan ng manok.
Ang pag-asenso ng aking tiyuhin ay lihim namang kinainggitan ng ibang tao. Mayroong nagtayo rin ng sariling manukan. Pero dahil walang kakayahan at kasanayan, nagsipagsarahan ang mga manukan at tanging sa aking tiyo ang nanatiling nakatayo at matatag.
Mabait sa amin na mga katulong niya si Tiyo. Pinangakuan na pag-aaralin kami sa kolehiyo. Tinupad naman ni Tiyo ang pangako. Nag-aral ako ng Commerce samantalang ang aking pinsan na katulong sa manukan ay nag-aral ng engineering.
Isang gabi, dakong alas dose, ako lamang ang tao sa bahay dahil sina Tiyo ay nasa Maynila at may inaayos na papeles. Ang aking pinsan na katulong sa manukan ay hindi naman nakapasok dahil nilalagnat.
Nakarinig ako ng ingay ng mga manok sa kulungan. Malakas ang ingay na parang may kinatatakutan. Dali-dali kong tinungo ang kulungan dala ang plaslayt. Malapit lang sa bahay ang kulungan ng mga manok. Nang marating ko ang kulungan, pinaslaytan ko ang mga maiingay na manok.
Nakita ko ang kinatatakutan: isang malaking sawa na kasinglaki ng tabo ang katawan. May nakain na ang sawa sapagkat mapintog ang tiyan nito.
Pero hindi ang sawa ang naghatid sa akin ng grabeng takot kundi ang nahagip ng aking plaslayt na dalawang tao na nagkukubli sa haligi ng kulungan ng manok! Mga magnanakaw! May hawak silang patalim!
Nagsisigaw ako. Ubod lakas para marinig ng mga tao sa bahay na malapit sa amin. “Tulong! May magnanakaw! Magnanakaw!’’ Sigaw ko.
Dahil sa pagsigaw ko, nagtakbuhan ang dalawang tao na nagkukubli. Pero tumakbo sila sa direksiyon ng aming kapitbahay. Nagkataon na nagroronda ang mga barangay tanod. Nahuli sila.
Hindi ko malimutan ang karanasang iyon. Kung hindi sa sawa, baka nakapasok sa bahay ng aking tiyuhin ang magnanakaw at nakakulimbat. At posibleng may nangyari sa akin kung lumaban ako.
- Latest