ANG plakang number “7” ay para sa senador at ang number “8” ay para sa mga miyembro ng House of Representatives. Ang mga plakang ito ang mainit na isyu ngayon sapagkat madalas na may nahuhuling dumadaan sa bus lane sa EDSA. Alam na bawal ang pagdaan sa bus lane, subalit walang pakialam ang mga may-ari ng sasakyang may “7” at “8” na plaka. Sa halip na maging halimbawa sa mamamayan na bumoto at naglagay sa kanila sa puwesto, sila pa ang lumalabag sa batas. Wala silang pakialam.
Noong nakaraang Abril 11, isang itim na SUV na may plakang “7” ang mabilis na dumaan sa bus lane. Hinarang ito ng MMDA traffic enforcers. Pero sa halip na tumigil, pinaharurot pa ang SUV palayo. Hindi nalaman kung sinong senador ang sakay ng SUV. Lumipas pa ang tatlong araw bago lumabas ang tunay na may-ari ng sasakyan—si Sen. Francis Escudero pala. Agad humingi ng paumanhin si Escudero at sinabing ang driver ng SUV ay isa sa kanyang family member. Inatasan na raw niya ang driver na magreport sa MMDA. Nangako si Escudero na isusurender sa LTO ang plakang “7” dahil hindi naman daw niya ito nagagamit.
Noong Nobyembre 2023, isang SUV rin ang pinigil ng MMDA nang dumaan sa bus lane. Sabi ng driver ng SUV, si Sen. Bong Revilla ang sakay. Ganunman, tinanggi ni Revilla na sa kanya ang sasakyan. Nagkaroon pa ng argumento sa pagitan ni Revilla at pinuno ng MMDA na si Bong Nebrija. Humingi ng paumanhin si Nebrija kay Revilla. Inilipat ng departamento si Nebrija.
Sabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Armando Artes ang mga exempted at maaari lamang gumamit ng EDSA Busway ay ang convoys ng Presidente, Bise Presidente, Speaker of the House, Senate President, at Chief Justice ng Korte Suprema. Ang sinumang lalabag o dadaan sa Busway ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang offense; P10,000, at isang buwan na suspension ng driver’s license sa second offense; P20,000 at suspension ng driver’s license sa loob ng isang taon sa third offense, at P30,000 at pagbawi ng driver’s license sa mga susunod na offenses. Ipinatupad ang kautusan noong Nobyembre 20, 2023.
Ipinag-utos naman ni House Speaker Martin Romualdez na hulihin ang mga gumagamit ng number “8” na plaka. Wala pa namang kautusan si Senate President Migs Zubiri kung ano ang gagawin sa number “7” na plaka ng mga senador. Dapat ipahuli rin niya ang mga gagamit nito.
Noong nakaraang linggo, ibinawal ni President Ferdinand Marcos Jr. ang wangwang, blinkers at iba pang gadget. Sana, maipatupad ito. Dati nang pinagbawal ito noong 2010 pero muli na namang umusbong at inabuso ng mga pulitiko at iba pang naghahari-harian sa kalsada.