Nangyari ito noong ako ay 12-anyos at nasa Grade 6 sa isang public elementary school sa probinsiya. Palibhasa’y mga bata na nakapokus ang atensiyon sa paglalaro, paglabas namin ng classroom ay payabangan kaming magkakaeskuwelang lalaki ng mga dala naming laruan sa bag. Natatandaan ko, ang bag na aking dinadala noon sa school ay leather na padala ng aking uncle mula sa U.S. Malaki ang bag na kayang ilagay ang mga libro, kuwaderno at pati ang ipagyayabang kong laruan.
Nang araw na iyon, ang dala kong laruan ay turumpo. Marami ang namangha dahil iyon ang pagkakataon na may nagdala ng turumpo. Karaniwang ang dinadalang laruan ng mga kaklase ko ay holen, lastiko, tirador at baril-barilang kawayan. Tinanong ako kung saan binili ang turumpo. Sabi ko ay sa gawaan ng mga pinto, bintana at hamba na malapit sa amin. Gawa sa santol ang turumpo kaya magaan at tumutunog kapag inihagis gamit ang tali. Tinanong ako kung magkano ang turumpo. Sabi ko’y mura lang—kinse sentimos kasama ang tali. Nang panahong iyon, early 70s, ay napakamura pa ng mga bilihin.
Ipinakita ko kung paano laruin ang turumpo. Ikinidkid ko ang tali sa turumpo at saka inihagis sa semento. Nakatayong umikot ang turumpo. Matining na matining ang ikot. May tunog pa. Tuwang-tuwa ang mga kaklase ko habang umiikot ang aking turumpo.
Kinabukasan, lahat ay mayroon nang turumpo. Iisa ang yari dahil nag-iisa ang gumagawa ng turumpo sa aming lugar. Payabangan sa pagtutrumpo ang mga kaklase ko.
Hindi ko alam, ang turumpo pala ang makakadisgrasya sa akin. Ang ini-introduce kong laruan ang muntik nang pumatay sa akin.
Dahil lahat ay may turumpo, kanya-kanyang hagis sa semento. Payabangan. Matapos kong ihagis ang aking turumpo sa semento, may isa ring naghagis kaya tinamaan ang turumpo ko. Tumalsik ang turumpo ko. Nang kunin ko ang turumpo, isang kaklase ko naman ang naghagis ng kanyang turumpo. Pero sa halip na sa semento, sa likod ko iyon tumama.
Ang sakit! Nawalan ako ng malay. Isinugod ako sa ospital ng mga nakakita. Nang magkamalay ako, naroon na ang mga magulang ko. Muntik na raw tamaan ang atay ko ng pako ng turumpo. Nagkaroon ako ng peklat sa likod dahil sa turumpo. Mula noon hindi na ako naglaro ng turumpo.
Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon na naglagay sa akin sa panganib.