“DUYAN ka ng magiting, sa manlulupig di ka pasisiil,” ito’y isang linya sa ating Pambansang Awit na “Lupang Hinirang.” Ibig sabihin, sa Pilipinas ay isinisilang at lumalaki ang mga bayaning handang ibuwis ang sariling buhay alang-alang sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas.
Isa sa halimbawa ng kagitingang ito ay ang pakikipaglaban sa peninsula ng Bataan nang mahigit sa 65,000 sundalong Pilipino, kasama ng humigit-kumulang sa 10,000 sundalong Amerikano, sa Japanese Imperial Army. Tumagal ang pakikipaglaban ng mahigit sa tatlong buwan, sa kabila ng mas malakas na armas at mas maraming bilang ng mga sundalong Hapones. Mahigit sa 10,000 magigiting na sundalong Pilipino ang nasawi sa labanan.
Nang bumagsak ang Bataan noong Abril 9, 1942, ang libu-libong mga bihag ay pinaglakad mula Mariveles, Bataan patungo sa kanilang pagkukulungan sa San Fernando, Pampanga, na may layong mahigit sa 100 kilometro. Tinagurian itong “Death March.”
Bakit Death March? Kapag tumigil sa paglalakad, patay. Kapag bumagsak sa tindi ng pagod, patay. Kapag nagtangkang tumakas, patay. Kapag nagkasakit, patay. Kapag nagtangkang uminom kahit sa imburnal, patay. Mahigit sa 10,000 sundalong Pilipino ang namatay sa isa sa pinakamalupit na kasaysayang naitala sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Dati’y inaalala natin ang Abril 9 bilang “Pagbagsak ng Bataan”. Ngunit ngayon, ang araw na ito’y inaalala’t ipinagdiriwang natin bilang “Araw ng Kagitingan” upang bigyang-diin ang magiting na pakikipaglaban ng mga sundalong Pilipino, sa halip na ang kanilang pagkatalo. Oo, natalo sila sa giyera, ngunit pinatunayan nilang hindi kayang lupigin maging ng kamatayan ang kagitingan ng mga Pilipino.
Ang bawat araw ay dapat maging araw ng kagitingan. Hindi lamang sa panahon ng giyera maaari nating maipakita ang ating kagitingan. Bawat araw ay nag-aalay sa atin ng pagkakataon na tayo’y maging magiting at maipakita ang pagmamahal sa bansa. Maraming paraan para maipakita ang kagitingan sa panahong walang giyera.
Ang hindi pananahimik sa nasaksihang pang-aabuso sa kapangyarihan ng isang opisyal ng bayan ay isang kagitingan. Ang hindi paglalagay para maging patas ay isang kagitingan. Ang pagsunod sa batas trapiko kahit walang nakakakita ay isang kagitingan. Ang pagpapanatiling malinis ng kapaligiran ay isang kagitingan. Ang panghahawakan sa katotohanan at hindi pagkakalat ng fake news ay isang kagitingan. Ang pagtulong sa mahihirap at nangangailangan ay isang kagitingan. Ang pagboto ayon sa dikta ng konsensiya ay isang kagitingan.
Hindi kailangang ibuwis ang buhay para maging magiting. Ang kailangan ay panatilihin ang dangal ng salita, na kung tawagin natin ay “palabra de honor,” huwag mangangako nang mapapako. Ituring ang bawat salita na isang panata.
Ang kailangan ay panatilihin ang maayos na pagkilos batay sa katotohanan, katarungan at katwiran, na kung tawagin ay “delicadeza,” huwag maging makapal ang mukha at epal. Huwag mamuhay nang higit kaysa kakayahan. Magsagawa ng sariling “life-style check.”
Ang kailangan ay masiglang ipagpatuloy ang anumang magandang napasimulan, huwag maging “ningas-kugon” na mabilis magliyab, ngunit madaling matupok. Huwag gawin ang mga bagay para lamang sa pogi points. Maglingkod nang buong katapatan.
Sa madaling salita, upang tayo’y tunay na maging duyan ng magiting, kailangan tayong maging mga Pilipinong tunay na nagmamahal sa Pilipinas, araw-araw, hindi lamang tuwing pista opisyal, sa isip, salita, at gawa.