ISANG libro na hiniram pa noong 1919 ang kailan lamang ibinalik sa isang library sa Colorado, U.S.A.!
Inanunsyo ng Poudre Library System sa kanilang official website na ang matagal ng overdue na kopya ng librong Ivanhoe ay naibalik na sa kanilang Fort Collins Library and Free Reading Room matapos ang 105 taon.
Ang Ivanhoe ay isang nobela na sinulat ni Sir Walter Scott noong 1819. Ito ay isang classic novel na naglalarawan sa buhay ng isang knight sa Medieval England. Ang nobelang ito ay kilala para sa mga temang kaugnay ng katarungan, pag-ibig, at katapangan sa harap ng mga hamon sa buhay.
Taong 1919 pa hiniram ang libro at ang return date nito ay noong Pebrero 13, 1919. Ibinalik ang libro ng isang hindi pinangalanang babae. Ayon dito, nakuha niya ito sa mga gamit ng kanyang yumaong ina na nasa Kansas City, Missouri.
Ayon sa Poudre Library System, nagkakahalaga sana ng $760 ang overdue fees ng libro kung kukuwentahin ang overdue rates noong 1919 na 2 cents per day. Pero hindi na nila ito siningil dahil noong 2020, itinigil na nila ang paniningil sa library borrowers na late magsauli ng libro.