Dear Attorney,
Puwede po ba na may promotion pero walang kasamang salary increase? — Rina
Dear Rina,
Wala namang nilalabag na batas ang employer kung mag-alok ito ng promotion ng walang kaakibat na salary increase.
Ang promotion, ayon sa Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. v. Del Villar (G.R. No. 163091, 6 October 2010), ay ang pagsulong papunta sa isang panibagong posisyon na may mas malawak na mga responsibilidad at tungkulin kaysa sa dati.
Ayon din sa kaso ng NAFLU vs. NLRC (G.R. No. 90739, 3 October 1991), hindi kailangang may kasamang pagtaas sa sahod ang promotion; ang mahalaga ay ang mga pagbabago sa tungkulin ng empleyado.
Hindi naman ibig sabihin na walang choice ang empleyado sa alok na promotion ng walang dagdag sa sahod. May karapatan ang empleyado na tumanggi kung ayaw niyang ma-promote mula sa kanyang kasalukuyang posisyon (Echo 2000 Commercial Corporation v. Obrero Filipino Echo 2000 Chapter-CLO, G.R. No. 214092, 11 January 2016).
Ang mahalaga lang ay dapat na malinaw muna kung promotion nga ba ang pinag-uusapan.
Kailangang siguraduhin munang promotion nga ang iniialok bago ito tanggihan. Kung wala namang pagbabago sa mga tungkulin at pangalan lamang ng posisyon ng naiba ay maaring sabihin na pangkaraniwang transfer lamang ito at hindi promosyon.
Kung transfer lamang kasi pala at hindi ito sinunod ay maari itong matawag na insubordination na puwedeng ikatanggal sa trabaho ng isang empleyado.