Maid of Honor (87)

MABILIS silang lumabas sa tunnel. Isang compound ang bumulaga sa kanila. May malaking punong kahoy na tila daantaon na ang edad. Maraming laglag na dahon sa ilalim ng puno. Napa­paligiran ng kinakalawang na bakal na bakod ang buong compound. Sa dako pa roon ay ang isang abandonado at sira-sirang sinaunang bahay na parang haunted house.

Isang maliit na eskinita ang nakita nila sa gawing kaliwa.

“Dito tayo. Bilisan natin!’’ sabi ni Rocky.

Tinuwid nila ang eskinita.

Nang marating nila ang dulo, bumulaga sa kanila ang talipapa. Maraming tao na bumibili ng gulay, isda, karne at iba pa.

Nagpalinga-linga si Rocky sa paligid. Tiniyak na walang sumu­subaybay sa kanila.

“Safe na tayo,’’ sabi nito.

“Sino ba ang humahabol sa atin, Bro?’’

“Sindikato. Malaking sindikato ng white slavery ang may hawak dito kay Inah. Posibleng patayin si Inah dahil marami na pala itong alam sa sindikato na ang lider ay Chinese. Sila rin ang nagpapatakbo ng illegal POGO.’’

“Paano mo nalaman na doon kami lalabas sa tunnel, Bro?’’

“Sabi ng kapatid ko sa PNP at NBI. Matagal na palang sinu-surveillance ang sindikatong yan kaya lang hindi mabuwag dahil protektado ng mga pulis na scalawags. Nakikinabang ang mga pulis scalawags sa sindikato—malaking pera ang suhol sa mga lokong pulis.’’

“Nasabi nga yan ni Inah sa akin, Bro. Paano ang gagawin natin ngayon?’’

“Sabi ng mga utol ko, itago nating mabuti si Inah. Kapag naaresto na nila ang lider ng sindikato at mga galamay nito, saka na lang ilabas itong si Inah.’’

“Saan natin itatago si Inah, Bro?’’

“E di sa inyo, Pareng Honor. Mabuti roon at magkakasama silang magkapatid.’’

“Oo nga Kuya, gusto ko nang makita si Yana.’’

“Sige dun tayo sa bahay. Siguro naman, hindi ka masusundan ng sindikato roon.’’ (Itutuloy)

Show comments