NANGYARI ang karanasan kong ito noong ako ay dalaga pa at nasa probinsiya. Noon ay Agosto 1979, panahon ng tag-ulan. Marami akong kaibigan na pawang kadalagahan din. Nakaugalian na namin na tuwing Linggo ay magkikita-kita kami sa bahay ng isang kaibigan. Nakatoka kung kaninong bahay kami magkikita-kita. Karaniwang nagkakainan kami at nagkukuwentuhan. Ang host ang bahalang maghanda ng aming kakainin. Pawang masasarap na kakanin ang inihahanda. May pagkakataon na sumasama sa amin ang manliligaw (suitor) ng isa sa mga kaibigan naming babae. Kapag nagkaganoon, ang manliligaw ay nagdadala ng mga pagkain. Kaya masayang-masaya kami. Kadalasang umuuwi kami ng alas siyete ng gabi.
Dahil maulan ng buwan na iyon ng Agosto, lagi akong may dalang payong. Malaking payong ang dinadala ko para hindi mabasa. Hindi ko kinalilimutan ang payong sa tuwing lalabas ng bahay.
Nang Linggong iyon, sa bahay ng kaibigan namin na nasa may paanan ng bundok kami pupunta. Kailangang maglakad kami ng isang oras sapagkat walang nagbibiyaheng traysikel dahil maputik ang kalsada. Ang daan patungo sa bahay ng kaibigan namin ay magkabilang bangin na ang lalim ay mga 20 talampakan. Sa gilid ng daan ay may mga puno ng bayabas at iba pang kahoy.
Hindi namin iniinda ang paglalakad sa maputik na daan. Patuloy ang aming pagkukuwentuhan. Pito kaming naglalakad. Anim na babae at isang lalaki. Ang lalaki ay nobyo ng isa naming kaibigan.
Bahagya akong naiwan sa paglalakad dahil dumidikit sa sapatos ko ang putik. Gumilid ako sa daan para tanggalin ang putik sa aking sapatos. Hawak ko ang aking payong. Hindi ko alam, ang tinapakan ko palang lupa ay malambot na dahil sa araw-araw na pag-ulan.
Huli na para malaman ko na nag-ii-slide ang lupa. Sa isang iglap, nahulog ako. Tuloy-tuloy. Nagsisigaw ako habang nahuhulog. Ang babagsakan ko ay adobe.
Nakapag-isip agad ako ng paraan sa ganung biglaang pangangailangan. Ginamit ko ang handle ng payong para maikawit sa puno ng bayabas para hindi ako magdere-deretso.
At nagtagumpay ako. Dalawang kamay akong nakahawak sa payong. Narinig ng mga kaibigan ko ang aking sigaw at sinaklolohan ako. Hinagisan ako ng lubid. Nakaligtas ako. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon na iniligtas ako ng payong sa tiyak na kapahamakan.