ISANG kopya ng komiks ang tinaguriang “World’s Most Expensive Comic Book” matapos ito mabenta sa isang auction sa halagang $6 million (katumbas ng Php 339.5 million)
Ayon sa nagpasubasta nito na Heritage Auctions, ang komiks na Action Comics No. 1 ang nagpakilala sa superhero na si Superman sa mga mambabasa. Inilathala ito noong Hunyo 1938 ng National Allied Publications na ngayon ay tinatawag ng DC Comics. Nagkakahalaga ang isang kopya nito noon ng 10 cents.
Pinaniniwalaan na ang komiks na ito ang nagpauso ng superhero genre at kinikilala ito bilang most valuable comics in the world.
Upang makita na nasa maayos na kondisyon ang komiks, ininspeksyon ito ng collectible-grading service na CGC. Nakatanggap ang komiks ng grado na “Very Fine+ 8.5” na ang ibig sabihin ay nasa magandang kondisyon pa ito.
Ayon sa CGC, nasa 100 copies na lamang ang meron nito sa buong mundo pero ang naturang kopya ang isa sa may pinakamaayos na kondisyon kaya bagay lamang ito na maibenta sa halagang $6 million.
Bago nito, ang Superman no. 1 ang may record sa pinakamahal na comic book nang maibenta ito sa halagang $5.3 million.