‘Uwak’

KARANASAN ito ng aking tatay noong binata pa siya. Paulit-ulit niyang ikinuwento ang karanasang ito sa aming magkakapatid. Hindi siya nagsasawang ikuwento sapagkat ayon sa kanya, ito ang karanasan na nagmulat sa kanya para maging mabait sa mga ibon lalo na ang uwak. Patay na si Tatay pero ang karanasan niya ay hindi malilimutan. Magpapa­salin-salin ito sa kanyang mga apo at apo sa tuhod.

Kuwento ni Tatay, malawak ang kanilang lupang sakahan. Pawang palay at mais ang tanim ng kanilang lupain. Sabi ni Tatay, hindi na siya nakapagpatuloy ng pag-aaral kaya hanggang Grade 6 lamang ang naabot niya. Tinulungan na raw lamang niya ang kanyang ama sa pagbubukid. Pa­nganay siya sa limang magkakapatid at siya lamang ang lalaki.

Naging bihasa raw siyang magsasaka at dahil doon ay dumami ang ani nilang palay at mais. Sa kanilang kamalig ay nakatambak ang mga sako ng palay at mais. Kumikita sila nang malaki kapag naibenta ang maraming sako ng palay at mais. Hindi sila kinakapos sa pagkain dahil laging masagana ang kanilang ani.

Bukod sa palay at mais, marami rin silang tanim na gulay at may mga punong namumunga. Marami ring alagang manok sina Tatay. Sabi ni Tatay, dalawang manok lang ang pinagmulan niyon, pero naparami nila at pati itlog ay sobra-sobra sa kanila.

Kuwento ni Tatay, okey na sana ang takbo ng kanilang masaganang pag-aani at kumikita nang malaki pero nabawasan iyon dahil sa pagdami ng uwak sa kanilang lugar. At ang matindi, sa kanilang sakahan pa raw namamalagi ang mga uwak at kinakain ang mga bunga. Parang dinapuan sila ng peste kapag sumalakay ang mga uwak sa kanilang pananim. Ang lalo pang nakapagpagalit kay Tatay, pati ang mga sisiw ng kanyang mga manok ay dinadagit ng mga uwak.

Kung anu-anong klase nang pagtataboy sa mga uwak ang ginawa ni Tatay, pero balewala sa mga uwak. Mukhang matalino ang mga uwak.

Isang paraan ang naisip ni Tatay, nanghiram ng de-bombang baril sa kanyang kaibigan. Perdigones ang bala ng de-bomba. Tuwing tanghali, inaabangan ni Tatay ang mga uwak at saka tinatarget. Nagliliparan ang mga uwak.

Minsan sa paghabol niya sa mga uwak, napadako siya sa kagubatan na malayo na sa pag-aari nilang lupa. Patuloy siya sa pagtarget. May mga tinatamaan siyang uwak at bumabagsak sa lupa.

Habang hinahabol at binabaril ni Tatay ang mga uwak, nahulog siya sa hukay na may nakaumang na matulis na kawayan. Patibong iyon para sa baboydamo.

Natusok ang hita ni Tatay. Dumaloy ang dugo. Nawawalan na siya ng malay. Nauubusan siya ng dugo. Pagtingala niya, nakita niya ang maraming uwak na lumipad paikot sa hukay na kanyang kinahulugan. Parami nang parami ang umiikot.

Hanggang mawalan na siya ng malay. Nang magising, nasa ospital na siya. Nakita raw si tatay ng isang grupo ng hunter dahil sa mga umiikot na uwak sa kinahulugang hukay. Kung hindi raw siya natagpuan, patay na siya dahil naubusan ng dugo.

Sabi ni Tatay, iniligtas siya ng mga uwak. Mula raw nun, hindi na niya binabaril ang mga uwak. Naging mabait na siya sa mga ito.

Show comments