Pitong beses nang nagtataas ng presyo ang petroleum products. Noong nakaraang Martes Santo, bigtime ang itinaas ng gasolina, mahigit P2. Sa Martes, mayroon na namang nakaambang pagtaas. At magpapatuloy pa raw ito hanggang kalagitnaan ng 2024.
Lagi nang sinasabi ng Department of Energy Oil Industry Management Bureau na ang pagtataas ng petrolyo ay dahil sa giyera sa Ukraine at ang panghaharang ng mga pirata sa Red Sea. Totoo kaya ito?
Kapag nagpatuloy ang pagtataas ng petroleum, products, ang lubos na apektado ay ang mga kakarampot ang suweldo. Sa pagtaas ng petrolyo, sabay na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas na ngayon ay P40-45 ang kilo. Mataas din ang presyo ng sardinas at noodles na karaniwang ulam ng mamamayan.
Ang pinakamasakit, kapag humingi ng panibagong increase ng pasahe ang transport groups. Dahil sa pagtaas ng petrolyo, wala nang kinikita ang mga drayber. Kakarampot ang inuuwi sa pamilya at kulang pa dahil sa pagtaas ng mga bilihin. Ang naiuuwi nilang P700 ay P300 na lamang.
Noong nakaraang taon, nagbigay ng fuel subsidies ang pamahalaan sa PUV drivers. Binigyan ng tig-P6,500 ang mga driver ng tradisyunal na jeepney, public utility buses, mini buses, taxi, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at Filcabs. Ang drivers ng delivery services ay tumanggap ng P1,200 at ang tricycle drivers ay P1,000.
Pero ang subsidiya ay panandalian lamang. Kapag naubos ang subsidy, balik uli sa paghihikahos ang mga kawawang drayber.
Isa sa pinakamagandang magagawa ng pamahalaan ay suspendihin muna ang ipinapataw na excise tax sa petroleum products. Kapag sinuspende ang tax, bababa ang presyo ng gas. Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na kapag ang bawat bariles ng langis ay umabot sa $80, maari nang suspendihin ang tax sa petrolyo. Sa kasalukuyan, $82.03 per barrel ng crude oil sa world market.
Suspendihin ang excise tax para bumaba ang presyo ng gasoline, diesel at kerosene. Ito ang epektibong paraan para maibsan ang pasanin ng mamamayan dahil sa linggu-linggong pagtaas ng produktong petrolyo.