MAY nangyayaring anomalya sa pagkakaloob ng tulong sa mga mahihirap na estudyante sa senior high school program. Sa halip na ang makinabang ay ang mga kapuspalad na estudyante, ang napagkakalooban ay ang may kakayahang mag-aral o may mga pera na magagastos. Kawawa naman ang mga mahihirap na estudyante na dinadaya at nilalamangan.
Ang anomalyang ito ay ibinulgar ni Senator Win Gatchalian sa pagdinig ng Senado hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 8545 (Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act). Ayon kay Gatchalian, mahigit P7 bilyon ang ginastos ng pamahalaan para sa mga beneficiaries ng senior high school voucher program (SHS-VP) na hindi naman mga mahihirap ang napagkalooban. Kung sino ang may kakayahang mag-aral, iyon ang mga nabigyan ng assistance.
Sinabi ni Gatchalian na noong school year 2021-2022, P7.21 bilyon o 53 percent ng P13.69 bilyong pondong nakalaan sa SHS-VP ang napunta sa mga hindi mahihirap na estudyante. Noong school year 2019-2020, P7.30 bilyon ang napunta sa mga hindi mahihirap na estudyante.
Nasayang ang pondo sapagkat hindi ang mga dapat makatanggap ang napagkalooban. Sabi ng senador, dapat itama at suriing mabuti sa budget hearing. Dapat tiyakin na napupunta ang bawat sentimo sa mga nangangailangang mag-aaral. Batay sa datos na nakita ni Gatchalian, hindi maayos ang pagpapatakbo ng programa. Mayroong mali at nararapat itong itama sa lalong madaling panahon.
Bulatlatin pa ang anomalyang ito. Palawakin pa ni Gatchalian ang pagsusuri. Hindi biro ang pera ng taumbayan na nawaldas at ang nakinabang ay mga estudyante na hindi naman pala mahihirap. Napakalaking pandaraya ito at dapat managot ang nasa likod nito. Maaring noon pa nangyayari ang anomalyang ito at ngayon lamang nabulgar. Hindi dapat makahulagpos sa batas ang mga pasimuno sa hindi magandang gawain na ito na ang mga dapat makinabang ay naiwang luhaan.
Habang marami ang mahihirap na estudyante na iginagapang ng kanilang mga magulang, marami naman ang maykayang estudyante na nakikinabang sa pondo na hindi laan para sa kanila. Maraming nagdarahop na estudyante ang gustong mag-aral subalit dahil sa kakapusan sa pananalapi, napipilitan silang tumigil. Harinawang may mangyari sa imbestigasyon at matigil na ang anomalya sa pagbibigay ng voucher sa mga hindi karapat-dapat na estudyante.