‘Anting’
NANGYARI ito noong 1980 at nasa huling taon ako sa kolehiyo. Sumama ako sa aking kaibigan sa kanilang probinsiya para dun mag-mahal na araw. Sa kanilang probinsiya, uso ang paghahanap ng anting kung Biyernes Santo. Mabisa raw ang anting kapag natagpuan ng alas tres ng hapon ng Biyernes Santo.
Dahil mapaniwalaan din ako noon sa mga anting at gusto ring magkaroon, sumama ako sa paghahanap ng anting. Apat kaming umakyat ng bundok. Nag-umpisa kaming umakyat ng dakong alas nuwebe ng umaga.
Ang target naming hanapin ay ang betel nut na kumakalog. Mabisa raw sa maraming bagay ang betel nut na anting. Kapag nagkaroon nito at ikinuwintas maaaring makaligtas sa anumang panganib.
Nagkaroon ako ng interes sa betel nut na kalog. Kailangang makakita ako nito. Naiimadyin ko na kapag nagkaroon nito ay magiging sikat ako sa mga kaklase ko sa unibersidad sa Maynila.
Isa sa mga dapat gawin kapag nakakita ng betel nut na kalog ay kainin ang makitang anumang bunga na nasa tabi ng puno ng betel nut. Hindi malalason o sasakit ang tiyan kapag kinain. Yun ang magiging patunay na mabisa ang betel nut na kalog.
Nagkanya-kanya kaming hanap ng puno ng betel nut. Mabilis akong nakakita. Namumutiktik sa bunga ang nakita ko at hindi gaanong kataasan. Naghanap ako ng mahabang sanga ng madre cacao at sinungkit ang mga bunga ng betel nut. Naglaglagan ang maraming bunga.
Tinipon ko ang mga iyon at inisa-isang kalugin ang mga bunga. Marami na akong kinalog pero wala ni isa man ang hinahanap kong kalog. Mukhang hindi yata ako makakakita. Hanggang sa iisa na lamang natirang betel nut. Nang kalugin ko iyon, halos mapalundag ako sa tuwa—kumakalog!
Inilagay ko agad sa bulsa ang betel nut na kumakalog. Pakiramdam ko, nagkaroon na agad ako ng kapangyarihan dahil sa betel nut. Mayroon na akong anting.
Para matiyak ang bisa ng betel nut, kailangan daw kainin ang anumang bunga na nasa tabi ng puno ng betel nut.
Agad akong pumitas ng nakitang bunga na nasa tabi ng puno. Kinagat ko at kinain kahit mapakla at madagta. Matapang na ako dahil sa betel nut na kumakalog. Puproteksiyunan ako nito.
Maya-maya pa, nakaramdam ako ng pagkahilo at kasunod ay pagsusuka. Umiikot ang paningin ko.
Mabuti na lang at hinanap ako ng aking mga kasamahan. Nakita nila akong nakahandusay at bumubula ang bibig. Isinugod nila ako sa ospital sa bayan at nakaligtas ako sa kamatayan. Nalason ako ng tuba-tuba na aking kinain.
Mula noon, kinalimutan ko na ang pagkahumaling sa anting.
- Latest