BUKAS, sa huling araw ng pasok ng mga tanggapan at mga paaralan kasabay nito ay inaasahan na ang pagdagsa ng mga biyahero na magsisiuwi sa kani-kanilang lalawigan o magbabakasyon dahil sa mahabang holidays.
Pihadong magdidilim sa mga pasahero ang mga terminal, pantalan at maging ang mga paliparan.
Sa mga susunod na araw, kakaibang Metro Manila ang masusumpungan sa maluwag na mga lansangan.
Todo handa na ang mga awtoridad at ibang ahensya ng gobyerno sa gagawing pag-asiste sa mga maglalakbay.
Libu-libong mga pulis at traffic enforcers ang ikakalat hindi lamang sa mga lansangan sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan.
Kung matinding seguridad ang inihahanda ng mga kinauukulan, sa ibabaw nito dapat din naman na matiyak ang mga kondisyon ng mga bibiyaheng pampublikong sasakyan.
Yung iba kasi nagiging gahaman, nagpapalusot sa kagustuhang kumita ni hindi magawang unahing maipa-check ang sasakyan at alamin kung nasa tamang kondisyon ito.
Simula nga sa mismong behikulo, dapat ding matiyak ang magiging ganap ng mga magmamaneho lalo na sa malayuang biyahe.
Antok o nakakatulog na driver ang isa mga pangunahing dahilan kaya madalas na masangkot sa trahdeya sa lansangan ang isang sasakyan.
Dapat kung talagang malayo ang ibibiyahe siguro kailangan nang maglaan ng karelyebo, para sakaling di mapigil ang antok merong pansamantalang sasalo.
Yung iba namang pasaway para daw di makatulog ayun, tumitira nang pampagising, pero hindi nila alam na panganib din ito sa kanilang mga sakay.
Dapat na gawing regular ang drug test sa mga terminal pa lamang sa mga bibiyaheng driver, para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sa panig naman ng mga pasahero, gaya ng paalala ng mga kinauukulan, huwag namang magdala ng sobra-sobrang bagahe na mistulang ‘lipat-bahay’.
Dyan din natatagalan para makalarga ng mabilis dahil sa dami ng bitbitin.
Ang mga kasamang bata, tignang maigi para ‘di magkawala.
Taun-taon na ang ganyang paalala, sana naman ay naipapatupad ito ng bawat isa.
Hangad ng inyong Responde ang ligtas ninyong paglalakbay. Ingat!