Dear Attorney,
Paano po kung ang ibinibigay lang ng employer ay leave o early out kapag nakapag-ipon ang empleyado ng overtime?— Lourdes
Dear Lourdes,
Malinaw sa batas na kailangang bayaran ang empleyado ng overtime pay kung sumobra na sa walong oras ang kanyang pagtatrabaho sa loob ng isang araw.
Basta’t lumampas na sa walong oras ang trabaho sa loob ng isang araw, kailangang bayaran ang empleyado ng dagdag na 25% ng kanilang hourly rate o 30% naman kung nagkataong holiday o rest day nang siya ay nag-overtime.
Wala namang problema kung ang sinasabi mong leave o early out ay dagdag benepisyo na ibinibigay sa empleyado bukod sa overtime pay.
Pero kung ang employer na binabanggit mo ay tinatratong regular working hours ang overtime sa pamamagitan ng pagbawas na lamang sa oras ng trabaho sa mga susunod na araw ay maari siyang maharap sa reklamo dahil malinaw na paglabag iyan sa batas ukol sa pagbabayad ng tamang overtime pay.