EDITORYAL — PCG, pinasok na ng Chinese

Pinapasok na ng China ang teritoryo ng Pilipinas. Hindi na umaalis ang mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS) at laging nakaabang sa sinumang papasok. Noong Sabado binomba na naman ng tubig ng CCG ang barko ng Pilipinas na maghahatid ng supply sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre. Nasira ang barko. Ito ang ikatlong beses na binomba ng CCG ang supply vessels ng Pilipinas.

Maraming beses na ring nakatikim nang pangha-harass ang mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc. Pati ang mga nahuhuling kabibi ng mga mangingisda na para pang-ulam nila ay kinukum­piska at tinatapon sa dagat ng mga miyembro ng CCG. Dahil sa ginagawang panggigipit ng mga ­miyembro ng CCG, walang maiuwi ang mga mangingisda na huli para sa kanilang pamilya.

Nakagagalit na ang ginagawa ng China na patuloy na naghahari-harian sa teritoryong sakop ng Pilipinas sa kabila na nanalo na ang Pilipinas sa arbitration ruling noong 2016. Hindi kinikilala ng China ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Habang patuloy ang pambu-bully ng China, nadiskubre naman ang pag-recruit ng Philippine Coast Guard sa 36 na Chinese para maging ­auxiliary members. Maraming na-shock sa balitang ito. Ba’t kailangang mag-recruit ng Chinese? Chinese ang nambu-bully pero Chinese din ang ni-recruit at pasusuwelduhin.

Inamin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa hearing ng House committee on transportation noog nakaraang linggo na 36 na Chinese nga ang kanilang ni-recruit. Ayon kay Gavan, ang 36 Chinese “aliens” – hindi Filipino-Chinese – ay nag-volunteered at tinanggap naman bilang bahagi ng PCG Auxiliary (PCGA) na may ranggong brigadier general at commandant.

Malalim na imbestigasyon ang nararapat sa kumplikadong isyu na ito. Kung nakapasok na ang Chinese ang PCG, tiyak na marami na silang nalalaman. Maaring ang mga ito ang nagti-tip sa CCG na magsasagawa ng resupply mission kaya nahaharang agad-agad. Nakapagtataka na bigla na lang sumusulpot ang mga barko ng CCG at Chinese militia at binobomba ng tubig ang supply vessels ng Pilipinas. May espiya na ang China?

Show comments