Ang problema sa pagbibigay
• Bago magbigay ng lumang damit sa mga biktima ng sunog, bagyo at iba pang kalamidad, tanungin mo muna ang iyong sarili—kung ako ang tatanggap, ito ba ang gugustuhin kong matanggap ng aking pamilya? Kung ang sagot mo ay hindi. itapon mo na lang sa basura. Karamihan sa mga taong nagbibigay ng donasyon sa mga nangangailangan ay may “mindset” na “beggars can’t be choosers”. Tanggapin lang kung ano ang ibibigay namin sa inyo at wala kayong karapatang magreklamo.
• Kapag nagbigay, huwag umasa na mayroon itong kapalit. Kapag bukal sa loob ng isang tao ang pagtulong, kinabukasan limot na niya kung sino ang natulungan niya. Kasi sa sobrang dami, hindi na niya matandaan. O, ang natandaan lang niya ay saya sa kanyang puso dahil nakatulong siya.
• Pagdating sa pagbibigay sa kamag-anak, huwag itong gamiting pangsumbat kapag nag-away kayo. Sampung taon na ang nakakaraan mula nang magbigay ng tulong, pero kung makasumbat ay parang 10 minutes lang ang nakaraan.
• Huwag magbigay para lang purihin ng mga tao. May isang pulitiko na kapag mga kamag-anak ang humihingi ng tulong ay nagbibingi-bingihan ito. Pero kapag ibang tao, kahit hindi masyadong kakilala, singbilis ng kidlat ang pagtulong sa mga ito. Ang paniwala niya diyan: Kakalat ang kanyang pagiging matulungin kapag ibang tao ang tinulungan. Kung kamag-anak, mababalita lang iyon sa loob ng kanilang circle, at hindi iyon gaanong makakatulong sa kanyang political career. Kaya noong muli siyang tumakbo sa ikalawang pagkakataon, iniligwak siya ng mga naaasar na kamag-anak. Minaliit niya ang bilang ng kamag-anak, na marami pala. Ang kalaban niya ang sinuportahan ng mga kamag-anak at iyon ang nanalo.
- Latest