‘Buhangin’

AKO ay 50-anyos at single mother. Naninirahan kami ng aking anak na babae sa isang katamtamang subdibisyon sa Novaliches, Quezon City. Nabili ko ang bahay at lupa sampung taon na ang nakararaan. Nasa 36 square meters lang sukat ng lupa ko at ang floor area ng bahay ay 30 square meters. Mayroon akong kapirasong espasyo sa gilid na ginagawa kong labahan at ihawan ng isda at karne.

Sa aming subdibisyon ay iba’t iba ang ugali ng residente: may pilosopo, mayabang, mabait, matapang, pakiala­mero at mayroon ding walang pakialam sa kapitbahay kung nakakaperwisyo.

Ang panghuli ang nakatapat ko—walang pakialam sa kapitbahay kahit nakakaperwisyo.

Ugali ng kapitbahay ko na magtambak ng kung anu-ano sa aming pagitan. Nagtatambak ng damo, sanga, kahoy, at kung anu-ano pa. Hindi ko na lang pinapansin dahil ayaw ko ng away. Mahirap maki­pag-away sa kapitbahay dahil araw-araw kayong nagkikita at nagkakatanawan dahil dikit-dikit ang bahay. Mahirap magalit at baka ako magkasakit. At katwiran ko rin hangga’t hindi pa naman sobra ang ginagawang pagtatambak sa aming pagitan, kaya ko pang pagpasensiyahan.

Pero nang magtambak siya ng buhangin sa aming pagitan ay tila gusto nang sumabog ang tinitimpi ko. Paano’y ang buhangin na kanyang tinambak ay napupunta sa loob ng aking lote. Natatakpan na ang espasyo na aking ginagawang labahan at pinag-iihawan. Hindi ko alam kung bakit nagpadeliber ng buhangin ang aking kapitbahay. Problemado talaga ako sa naka­tambak na buhangin.

Nang araw na iyon, balak ko nang kausapin ang aking kapitbahay ukol sa buhangin na nakakaperwisyo sa ­aking laundry at ihawan.

Pero nang silipin ko ang bahay, walang tao. Nadagdagan lalo ang inis ko nang makitang nakakalat na naman ang buhangin at maraming natapon sa space ko. Tinipon ko ang buhangin at inilagay sa isang sulok.

Nang araw na iyon, ipinasya kong mag-ihaw ng isda. Mayroon akong ihawang parilya. Binuhusan ko ng gaas (kerosene) ang uling na pag-iihawan. ­Nagliyab. Ang pagkakamali ko, hindi ko naisara ang takip ng boteng lalagyan ng gaas. Nadilaan ng apoy ang bote ng gaas, nagliyab at nabasag. ­Kumalat ang gaas kaya lumaki ang apoy.

Nataranta ako. Hindi ko malaman ang gagawin. Hanggang sa maisip ko ang buhangin na nakatambak. Iyon ang dinakot ko gamit ang tabo at sinabog sa lumalaking apoy. Hindi ko alam kung paano ko nasalok lahat ang buhangin ng aking kapitbahay at naitabon sa apoy. Namatay ang apoy.

Hindi ako makagulapay sa pagod pagkatapos. Hindi na ako nagreklamo sa aking kapitbahay ukol sa buhangin. Iniligtas ng buhangin ang ­aking buhay at bahay.

Show comments