NAKAPAGTALA ng bagong world record ang isang berry company sa Australia dahil sa naani nilang blueberry na kasinglaki ng bola ng pingpong!
Kinumpirma kamakailan ng records keeping organization na Guinness World Records na ang Costa Berries na nakabase sa Corindi, New South Wales ang bagong record holder ng titulong “World’s Heaviest Blueberry”. Ito ay matapos silang makaani ng blueberry na may bigat na 20.0 grams.
Ang isang pangkaraniwang bigat ng isang piraso ng blueberry ay 0.3 grams.
Sa panayam kay Brad Hocking, ang isa sa nagpalaki sa blueberry, napitas nila ito noong Nobyembre 2023 at itinago nila ito sa freezer habang sinusumite nila sa Guinness ang kanilang application.
“Eterna” ang tawag sa variety na ito ng blueberry at ang Costa Berries ang nagdebelop nito. Hindi pa alam nina Hocking kung ano ang gagawin nila sa record breaking bluerberry pero sigurado silang hindi nila ito gagawing blueberry shake.