EDITORYAL - Hindi sana ningas kogon sa e-bikes
SA Abril 15 ay bawal nang dumaan sa national roads ang e-bikes, e-trikes, at tricycles sa National Capital Region (NCR). Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga lalabag ay papatawan ng multang P2,500. Ang mga e-vehicle na walang lisensiya ang drayber ay ii-impound.
Sabi ni MMDA chairman Romando Artes, nagkaroon umano ng pagpupulong sa pagitan ng stakeholders at naliwanagan naman ang mga ito na ang ipatutupad nila ay hindi total ban. Sinabi ni Artes na hindi naman pagbabawalan ang mga nasabing e-vehicles na lumabas ngunit hindi sila maaaring dumaan sa national roads. Maaari umanong mag-cross o tumawid ang mga ito pero hindi maaaring bumaybay. Magtatalaga umano ng traffic enforcers para magbantay sa mga national roads na hindi maaring daanan ng e-bikes, e-trikes, tricycles at iba pa.
Sana ay maipatupad ng MMDA ang kautusan at nang ganap nang mawalis sa national roads ang e-bikes at iba pang e-vehicles na pinag-uugatan ng aksidente.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ng 436 na aksidente dahil sa e-bikes at apat ang namatay. Nasa 436 naman ang nasugatan. May mga nahuli rin na pumasok o gumamit ng Skyway. Karaniwang mga menor-de-edad ang nasasangkot sa aksidente.
Ngayong 2024, nakapagtala na ng 500 aksidente. Karamihan ay nababangga sapagkat pumapasok sa mga malalaking kalsada at nakikipag-unahan sa mga malalaking sasakyan.
Ginagamit na rin ang e-bikes sa paghahanapbuhay gaya nang pagtransport ng gulay, paninda, tubig at ginagamit na service sa school. Ginagamit din sa pagdeliver ng produkto on line.
Tiyak na maraming lalabag kahit na nagtakda na bawal na ang e-bikes at iba pa sa national roads. Ang epektibong pagpapatupad ng MMDA ang inaasahan sa usaping ito at hindi sana sila ningas kogon na sa una lamang mahigpit at pagkaraan ng isang linggo ay balik sa kalsada ang e-vehicles. Maging totoo sa pagpapatupad ng batas.
- Latest