Padrino system sa tiwaling kultura
AYON sa Corruption Perceptions Index ng Transparency International, ang Pilipinas ay itinuturing na isa sa pinakatiwaling bansa sa buong daigdig. Ang pinakamataas na puntos na maaaring makuha ay 100. Mas mataas na puntos, mas mababa o kakaunti ang katiwalian. Ang Pilipinas ay nakakuha lamang ng 33 puntos, gayong ang average sa Asia-Pacific ay 45.
Isa ng kultura ang katiwalian sa Pilipinas. Ibig sabihin, bahagi na ng buhay ng mga Pilipino, mula sa mga lider hanggang sa mga tagasunod. Hindi na ikinagugulat ng mga tao ang mga balita tungkol sa katiwalian. Ito na ang pamantayan at ginagawa ng karamihan. Ang pagiging malinis at tapat ang naging exemption, sa halip na rule.
Kabilang sa pinagmumulan ng katiwalian ang patronage politics o padrino system. Kapag kamag-anak ang tumanggap ng pabor, ang tawag ay nepotism; kapag kaibigan, cronyism. Ang masamang sistemang ito’y pinatitibay ng ating kultura na sobrang nagpapahalaga sa utang na loob, pakikisama, at kahihiyan. Mabuti ang utang na loob kung ito’y kusang ipinagkakaloob ng taong tumanggap ng pabor; ngunit nagiging masama kung sadyang ginawa ang kabutihan para maningil pagdating ng araw.
Mabuti ang pakikisama kung hindi nasasakripisyo ang katotohanan; ngunit nagiging masama kung dahil dito’y nagpapatuloy ang kasinungalingan. Mabuti ang kahihiyan kung ang ikinahihiya ay ang hindi mabuti; ngunit nagiging masama kung ikinahihiyang ibulgar ang kasamaang ginawa ng pinagkakautangan ng loob.
Noong araw, ang mga Senador ng Republika ay lubos na iginagalang, sagisag ng kabutihan at katalinuhan; modelo at ehemplo ng pinakamabuting katangian ng isang Pilipino, kung kaya’t talagang puwede silang tawaging, “Your honor.” Ito ang panahon ng mga Salonga, Tanada, Diokno, Recto, Roco, Aquino.
Sobra akong nalungkot sa katwiran ng tatlong kasalukuyang senador kung bakit nila tinututulan ang pagpapaaresto kay Pastor Apollo Quiboloy, bunga ng hindi pagsipot sa mga pagdinig ng Senado, sa kabila ng mga ipinadala sa kanyang subpoena. Dinidinig ng Senado, in aid of legislation, ang mga akusasyon ng sexual abuse, human trafficking, at iba pa, laban kay Quiboloy ng mga dating miyembro ng sektang Kingdom of Jesus Christ na kanyang itinatag.
Sa halip na maipakitang sila’y laban sa padrino system, lumabas sa kanilang pananalita na sila’y tagapagsulong ng padrino system. Sabi ni Senador Robinhood Padilla, hindi niya sinusuportahan ang pagpapaaresto kay Quiboloy, sapagkat kaibigan niya ito at malaki ang naitulong sa kanyang kampanya tulad ng pagpapahiram sa kanya ng helicopter.
Ganito rin ang katwiran ni Senador Cynthia Villar na nagsabing kaibigan niya si Quiboloy, mabait ito sa kanyang pamilya kung kaya’t hindi niya hahayaang ito’y arestuhin. Pareho rin ni Senador Imee Marcos na nagsabing malaki ang naitulong ni Quiboloy sa kasalukuyang administrasyon.
Hanggang saan ang pagkakaibigan at pagtanaw ng utang na loob? Ganito ang karaniwang nangyayari sa atin: Dahil kaibigan, kahit may masamang ginawa ay ibinoboto pa rin; dahil kamag-anak, kahit hindi kwalipikado ay inuupo sa puwesto; dahil may utang na loob, kahit hindi na tama ang ginagawa ay sinusuportahan pa rin.
Mananatili tayong pulubi habang itinataguyod ng ating mga lider ang padrino system. Mananatili tayong lugmok habang hindi sinusunod ng ating mga lider ang sinabi ni Hesus sa Mateo 20:26-27, “Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo.”
- Latest