UMAALINGASAW na kabastusan ang naririnig at nasasaksihan ng mga kabataan ngayon mula sa social media vloggers dahil sa maluwag na sinturon ng batas at nakasusulasok na pulitika.
Libreng-libre ang pagmumura at pambababoy sa mga personalidad na target ng kanilang pang-aalipusta na madalas na nagreresulta ng kaguluhan sa pamilya ng mga binibiktima nila.
Halatang-halata na may direktang pinapanigang mga pulitiko ang karamihan ng mga vlogger. Itinanim ba o nagpaalaga lang talaga?
Nakalulungkot isipin na unti-unti nang namamatay ang makatarungan at makatotohanang pagpapahayag dahil sa pera mula sa FB, YouTube at Tiktok na kumukunsinti sa kababuyan nang karamihang gumagamit nito.
Mahigpit ang disiplina ng National Press Club (NPC) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa mga kasapi nito sa paghahatid ng makatotohanang balita at pansariling komentaryo. Sila po ang nangangalaga ng mainstream media practices!
Dahil sa nakasentro sa pulitika ang karamihan sa vloggers, dalangin kong huwag sanang humantong sa madugong komprontasyon ang mga gawain ng mga magkakalabang vloggers. Hindi naman kasi magandang trabaho ang manira at magbalita nang walang basehan.
Bago maging huli ang lahat, kumilos na kayo!