Kalusugan ng artista dapat namomonitor

Karaniwan sa mga artista sa pelikula at telebisyon ang pagpapamalas ng iba’t ibang klase ng damdamin at acting na depende sa papel at eksenang kanilang ginagampanan.  Nariyan halimbawa yung umiiyak, sumisigaw,  nagagalit, nalulungkot, nag-aalala, natatakot, nababalisa, humahalakhak, mainitin ang ulo, nagwawala, nagtataas ng boses, naghihinagpis, nagugulat, nabibigla, natataranta, nasisindak, at iba pang damdamin at aktibidad na normal na rin namang nararanasan ng sino man sa totoong buhay.

Pero, batay sa mga pag-aaral at pananaliksik at sinasabi ng medisina at siyensiya sa pangkalahatan, mga damdamin at aktibidad ito na nakakaapekto sa kalusugan ng tao.

Nakapagpapataas ng altapresyon na maaaring magdulot ng sakit o atake sa puso at ibang karamdaman ang matinding galit, pagsigaw, pagtataas ng boses, pagkataranta, pagkabalisa, sobrang kalungkutan, paghihinagpis,  at ibang matitindi at negatibong  emosyon.

Batid natin na umaarte lang naman ang mga actor at actress sa harap ng kamera. Pero kahit kunwari lang ito, nagiging kapani-paniwala dahil talagang ginagawa nila ang mga emosyon na kailangang lumabas mula sa ginagampanan nilang karakter tulad nga ng galit o lungkot o sigawan at maging ang mga maiinit na aktibidad sa harap ng kamera.

At hindi lang naman sa harap ng camera iyon. Ginagawa nila ito maging sa mga oras na kailangan nilang pagpraktisan muna ang kanilang mga papel at eksena bago ito kunan ng kamera. Maaaring nagpapraktis sila sa “set” mismo o lugar na kukunan ang eksena o sa pribadong lugar na nakakapagsolo sila o sa kanilang bahay bago humarap sa kamera. Meron ngang tinatawag na internalization na dinidibdib ng artista ang ginagampanan nilang karakter na meron sa kanila na dinadala ito kahit sa labas ng taping o shooting.

Pero ano ang epekto sa kanilang kalusugan kapag ipinakikita nila ang mga emosyon ng ginagampanan nilang karakter?

Paminsan-minsan, nakakabigla ang balita na naospital o  namatay ang isang actor at actress  dahil sa atake sa puso o stroke o ibang karamdaman  Walang nakalaang pag-aaral o pananaliksik  kung paano nakakaapekto  sa kalusugan ng mga artista ang kanilang trabaho bagaman may mga report hinggil sa mga actor o actress na nalululong sa mga bisyo tulad ng alak  o droga bagaman merong nagkakasakit pa rin kahit walang bisyo o kaya laging stressed at napupuyat.

May mga artista naman na nananatiling malusog kahit matanda na sila o senior citizen na, malakas  at aktibo pa sa pelikula. Maaaring meron silang sinusunod na healthy lifestyle, nag-eehersisyo, kumakain ng gulay, umiiwas o nagbabawas sa karne o processed food o maaalat at matatamis na pagkain, umiinom ng maintenance na gamot lalo na kung matanda na, at ibang kadahilanan para mapanatili nilang malusog ang kanilang pangangatawan.

Hindi ko na matandaan ang pangalan pero may nabasa akong panayam minsan sa isang aktres na nagsabing naha-“high blood” siya sa ginagawa niyang mga eksena. Walang detalye. Hindi malaman kung seryoso o nagbibiro pero hindi nakapagtataka kung totoo dahil, batay nga sa sinasabi ng mga dalubhasa sa kalusugan, nakaaapekto sa kalusugan ang nabanggit na mga emosyon.

Sadyang hinihingi sa mga artista ang maging makatotohanan sa kanilang pag-arte pero marahil merong pangangailangan na nasusubaybayan ang kanilang kalusugan dahil sa mga matitinding negatibong emosyong ipinakikita at ginagawa nila sa harapan ng camera lalo na kung matatanda na sila. Kailangan din marahil ang pagsusuri o pag-aaral sa epekto sa mga artista ng mga ginagampanan nilang papel sa harapan ng camera lalo na kung meron itong implikasyon sa kanilang kalusugan  at ang maaaring remedyo rito.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments