MAY isang magaling na abogado sa Chicago noong 1930s. Siya ay kilala sa alyas Easy Eddie. Abogado siya ni Al Capone, sikat na American gangster at pinuno ng sindikato sa Chicago. Sa sobrang husay ni Easy Eddie ay hindi maipakulong si Al Capone ng mga otoridad. Kapalit ng pagpapalusot niya sa mga kasalanan ni Al Capone ay yumaman ang abogado. Sa sobrang yaman, ang loteng kinatitirikan ng bahay ng abogado ay sakop ang isang buong kalye ng Chicago.
Si Easy Eddie ay may tatlong anak. Kahit naibibigay niya ang lahat ng luho sa mga anak ay malungkot pa rin siya. Paano’y hindi niya maipagkaloob sa mga ito ang magandang reputasyon. Bayani siya sa mata ni Al Capone, pero paano naman ang mga taong nabiktima ng gangster na ito?
Isang araw, nagdesisyong tumestigo si Easy Eddie sa mga kasamaan ni Al Capone. Kailangan niyang gawin iyon upang itayo niyang muli ang kanyang reputasyon para sa mga anak. Nabuksang muli ang mga kaso ni Al Capone. Isang araw may bumaril kay Easy Eddie habang nagmamaneho ng kotse. Namatay si Easy Eddie ngunit hindi nasayang ang kanyang ginawa. Nagtagumpay ang mga otoridad na maipabilanggo si Al Capone.
Noong World War II, may isang magiting na piloto ng fighter plane. Siya ang mag-isang nagpasabog ng limang fighter plane ng Japan na nakatakda sanang umatake sa kampo ng mga Amerikano. Ang piloto ay tumanggap ng pinakamataas na parangal na kung tawagin ay Congressional Medal of Honor. At bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanilang hometown hero, ang isang airport sa Chicago ay ipinangalan sa magiting na piloto—O’Hare Airport. Ang piloto ay si Butch O’Hare, kaisa-isang anak na lalaki ni Easy Eddie na ang tunay na pangalan ay Edward J. O’Hare.