NALILITO ang taumbayan sa hugis ng oposisyon sa gobyerno ni Pres. Bongbong Marcos. Ang mga datihang mga kritiko ng Marcos family ay lumamig at nabaling ang ngitngit sa kampo ni VP Sara Duterte. Kasalanan ba ni Digong?
Maling diskarte ang naging pagsakay ng mga propagandista ni VP Sara sa isyu ng mga tampururot ni PBBM na hindi nakinabang sa gobyerno at ang ibang naipuwesto ay kaagad na sinibak dahil naging pabigat pa sa kasalukuyang administrasyon.
Hindi nagtagal sa panunungkulan sina Executive Secretary Vic Rodriguez, Press Secretary Trixie Cruz Angeles at Presidential Adviser for Creative Communication Paul Soriano dahil sa mga negatibong isyu na kumulapol sa tatlo. Tatlong itlog? He-he!
Naging bandida man ang dating ni FL Liza A. Marcos sa ibang Marcos Loyalists dahil nakikialam daw ito sa pagmamaniobra sa opisina ng Presidente pero naging positibo naman ang resulta nito sa approval ratings ni PBBM. Okey na rin, ‘di ba?
Naging hiwaga marahil sa mata ng Duterte camp at ni Sen. Imee Marcos ang pagpasok ng mga kilalang mahigpit na kalaban ng UniTeam noong 2022 election na nabigyan ng magagandang posisyon sa administrasyon ni PBBM kaya nagmarakulyo ang mga ito. Unity kapalit ng UniTeam? Puwedeee!
Marami ang humuhula na ang darating na 2025 Local and National Election ay magiging isang magandang barometro kung sinu-sino ang magiging magkakaalyado sa 2028 Presidential Election. Exciting di ba?